MARIING inihayag ng Philippine Statistic Authority (PSA) na igagalang ang right to privacy ng bawat indibidwal oras na pasimulan na ang implementasyon ng National Identifications (ID) system o PhilSys.
Kasabay nito, ang babala na may katapat na parusa ang mga ahensiya at tanggapan ng gobyerno na hindi kikilalanin ang Philippine ID.
Ayon kay PSA administrator Lisa Grace Bersales, ang mga magpapalabas ng data o impormasyon nang walang awtorisasyon ng may-ari ng ID ay makukulong ng anim hanggang sampung taon at multa ng P3 milyon hanggang P5 milyon.
May parusa ring pagkakakulong ng sampu hanggang labing limang taon at multang P5 milyon hanggang P10 milyon para sa sinumang opisyal at empleyado ng PSA na mangangasiwa sa Philippine ID na malisyosong magpapalabas ng impormasyon at data ng isang indibidwal.
Samantala, ang mga magsusumite naman ng maling impormasyon, hindi awtorisadong printing at preparasyon o issuance ng Phil ID at pamemeke nito ay pagmumultahin ng P1 milyon hanggang P3 milyon at makukulong ng tatlo hanggang anim na taon.
Sa ilalim ng Philippine ID System Act, pagmumultahin ng P500,000 ang sinumang hindi kikilala sa Philippine ID.
Habang sa mga gagamit naman ng Philippine ID sa anumang uri ng anomalya ay may parusa rin ng anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakabilanggo at may multang P50,000 hanggang sa P500,000.
Nabatid pa na ang pangunahing layunin ng PhilSys ay magbigay ng pagkakakilanlan sa bawat mamamayan at resident aliens sa Filipinas at mas madaling pagkilala sa mga ito sa mga transaksiyon sa gobyreno.
Ayon pa kay Bersales, noon pa man ay ‘committed’ na ang PSA sa ‘principles of official statistics’ ng United Nations at may kamalayan din ang ahensya sa ‘confidentiality at privacy issues’.
Samantala, katuwang ng PSA ang national Privacy Commission at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa implementasyon ng proyekto. VERLIN RUIZ
Comments are closed.