INAPRUBAHAN ng Senado kahapon ang isang panukala na magbibigay proteksiyon sa karapatan at kapakanan ng mga inabandonang bata.
Sa Senate Bill No. 2233 na inakda at inisponsor ni Senadora Risa Hontiveros, mabibigyan na ng karapatan at proteksyon sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas kung isang natural-born Filipino citizen ang mga sanggol at batang inabandona simula nang kapanganakan.
“Masaya ako na sa nalalabing session days ay nabigyang-pansin na i-angat ang karapatan at kapakanan ng mga batang inabandona. They were once lost. Now, they are found. I laud the Senate’s commitment to ensure that these children are rescued from the risk of statelessness and to finally establish their identity,” ayon kay Hontiveros.
Sa ilalim ng Foundling Recognition and Protection Act, ang mga bata o sanggol na walang pagkakakilanlan sa magulang na matatagpuan sa Pilipinas o sa mga embahada, konsulado at teritoryo ng bansa ay dapat ituring na isang natural-born Filipino citizen.
Nilalayon din ng panukalang batas na patatagin ang karapatan ng foundling sa mga programa at serbisyo ng gobyerno tulad ng pagpaparehistro, pagpapadali ng mga dokumento para sa pag-aampon, edukasyon, proteksyon, pagpapakain, pangangalaga, at iba pa.
“The utmost motivation of this bill is the best interest of the child. Hindi lang pagkakaroon ng pamilya ang ipinagkakait sa mga batang ito, kundi ang karapatan na magkaroon ng pangalan, nasyonalidad at maka-access sa programa at serbisyo ng gobyerno. This is the gap that we are trying to fill in,” dagdag ng Senadora.
Noong Disyembre 2021, nakapagtala ang Philippine Statistics Authority ng hindi bababa sa 6,580 na certificates of Foundling.
Sa kabilang banda, mayroong 1,473 foundlings na legally available para sa adoption mula 2009 hanggang Oktubre 2021 batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyang-diin din ni Hontiveros ang konsepto ng “Safe Haven” na kasama sa isa sa mga probisyon ng panukalang batas na magpoprotekta sa mga sanggol mula sa dagdag na panganib kapag iniwan sila ng kanilang mga tunay na magulang sa mga hindi ligtas na lugar.
“Maraming mga sanggol ang mas mapapahamak pa dahil iniwan lang sa basurahan o sa public comfort room. The act of parents should not be prejudicial to the welfare of the child. The parents will be given immunity from lawsuit when he or she hands over an infant thirty days old and younger to ‘safe haven’ institutions such as licensed child care or placing agency, health care facilities or DSWD residential care centers,” ani Hontiveros.
Hinikayat naman ni Hontiveros ang agarang pagpasa ng panukalang batas at pagkilala sa tungkulin ng gobyerno na magbigay ng proteksyon sa bawat bata, anuman ang kanyang katayuan o kalagayan nang siya ay ipinanganak.
“Tapusin na natin ang paghihirap ng mga batang ito. Paghihirap na hindi naman nila ginusto o pinili. Bawat bata ay may karapatang magkaroon ng nationality na magiging daan para mabigyan siya ng programa at serbisyo para sa kanyang magandang kinabukasan.“ pagtatapos ni Hontiveros. VICKY CERVALES