MAGANDA ang landas na tinatahak ngayon ng administrasyong Marcos.
Dahil sa dami raw ng duplikasyon sa gobyerno, isinusulong ang National Government Rightsizing Program. Pero pinag-iisipan itong mabuti ng pamahalaan. Paglilinaw ng Presidential Communications Office (PCO), may sektor ng mga empleyado sa gobyerno na exempted dito.
Sabi nga ni PCO Sec. Cheloy Garafil, hindi kasama sa rightsizing program ang teaching at teaching-related positions sa mga eskwelahan, medical allied-medical items sa mga ospital at maging ang military at uniformed personnel.
Sinasabing hindi rin saklaw ng rightsizing ang government-owned and controlled corporations (GOCC) at government financial institutions na nasa ilalim ng Governance Commission for GOCCs.
Ang masaklap nga lang, tatamaan ng rightsizing o pagbabawas ng tao ang lehislatura, Office of the Ombudsman, constitutional commissions at local government units (LGUs). Kung maaalala, pinangunahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang isinagawang cluster meeting noong nakaraang Martes.
Nabatid na dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM), Presidential Adviser Legislative Affairs at Presidential Legislative Liaison Office kung saan pangunahing tinalakay nga rito ang rightsizing program.
Sa totoo lang, maraming kinakabahan sa programang ito. Maaari silang mawalan ng trabaho.
Sabagay, ang hakbang na ito ng pamahalaan ay para rin naman sa lahat. Tinitingnan kasing maigi ang mga duplikasyon sa trabaho o maraming posisyon pero pareho lang ng trabaho o responsibilidad.
Nangangahulugan na marami silang nasa iisang opisina na magkakapareho ang ginagawa. Aba’y kung wala nga namang masyadong ginagawa ang ilang empleyado, bakit naman pasasahurin nang tama at pananatilihin pa sa kanilang trabaho?
Sa palagay ko naman, hindi ito ora-oradang gagawin. Dahan-dahan ang ginagawa ng Marcos admin dito para hindi naman mahirapan at makahanap agad ng malilipatan ang mga maaapektuhan ng rightsizing program.