RIGODON NA NAMAN SA PNP

TATLONG buwan bago magretiro si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos, muling gumalaw ang puwesto ng mga senior officer sa organisasyon kasama na ang command group at mismong ang pinakamataas na opisyal sa Metro Manila o sa National Capital Region Police Office.

Sa napipintong pagreretiro ni Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ang number 2-man ng PNP o deputy chief for administration ay pumalit sa kanya si Lt. Gen. Ephraim Dickson habang ang number 4-man na si Lt. Gen. Rhodel Sermonia, ang The Chief Directorial Staff ang magiging The Deputy Chief for Operations (TDCO) o ikatlo sa PNP top brass.

Si NCRPO Director, Maj. Gen. Vicente Danao Jr. ay itinalaga bilang TCDS o number 4-man sa PNP command group at pinalitan naman ni Maj. Gen. Felipe Natividad na dating Special Action Force (SAF) Director.

Batay sa Special Order Number NHQ-SO-URA-2022 652 na galing sa tanggapan ni Sermonia bilang TCDS at may lagda ni Maj. Gen. Herminio Tadeo Jr.,The Director for Personnel and Records Management, epektibo ang rigodon kahapon, Marso 1.

Samantala, si Carlos ay inaasahang magreretiro pagsapit ng kanyang ika-56 kaarawan sa darating na Mayo 8. EUNICE CELARIO