NAGKASUNDO ang Blackwater at Meralco sa isang trade kahapon kung saan dadalhin ng Elite sina Allein Maliksi at Raymar Jose sa Bolts kapalit nina Mike Tolomia at KG Canaleta.
Ayon sa source, ang mga papeles ay ipinadala na sa tanggapan ng PBA at hinihintay na lamang pag-apruba ni Commissioner Willie Marcial na nakatakdang dumating mula sa China.
Si Marcial at ang iba pang opisyal ng PBA ay nagtungo sa Changsha para talakayin ang posibilidad ng pagpapalabas ng PBA games sa China.
Kasama rin sa PBA delegation sina Barangay Ginebra board representative Alfrancis Chua, league marketing head Gelo Serrano, at Bong Sta. Maria ng Philippine Global Network, na isang joint subsidiary ng TV5 Network Inc. at ng Philippine Long Distance Company.
Kapag naisakatuparan ang plano, magiging makasaysayan ito para sa pro league na itinuturing na pioneer sa Asian basketball.
Sinabi pa ng source na ipamimigay rin ng Meralco ang second-round draft pick sa Blackwater bilang bahagi ng deal.