DAHIL sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad, nagawang mapigilan ang magaganap sanang riot ng grupo ng mga teenager na nagresulta sa dalawang 18-anyos na lalaki sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Mark Jordan Blas alyas “Egloy”, construction worker ng 69 Gulayan, Concepcion at John Mark Diaz alyas “Jamak” ng Sitio 6, Gulayan, Catmon.
Batay sa imbestigasyon nina SSg Mardelio Osting at Cpl Renz Marlon Baniqued, nakatanggap ang mga tanod ng Barangay Potrero ng impormasyon hinggil sa ginagawang paghahanda ng grupo ng mga suspek ng isang riot sa Durian St. at Mc Arthur Hi-way Brgy. Potrero.
Agad humingi ng tulong ang mga tanod sa Malabon Police Sub-Station 1 na kapwa mabilis rumesponde sa nasabing lugar kung saan naaktuhan ng mga ito ang mga suspek na gumagawa ng Molotov cocktail bomb na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila dakong alas-2:20 ng madaling araw.
Gayunpaman, nagawang makatakas ng iba pang kasamahan ng mga suspek matapos magtakbuhan sa iba’t-ibang direksyon nang mapansin ang pagdating mga awtoridad.
Kakasuhan ng pulisya ang mga naarestong suspek ng paglabag sa RA 9516 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines. EVELYN GARCIA