KAPAPASOK pa lamang ng Bagong Taon ay bumulaga ang matinding riot sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kung saan tatlo ang patay habang 14 naman ang sugatan nitong Linggo ng gabi.
Base sa inisyal na ulat ng Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, sinasabing bandang alas-6 ng gabi nang magsimula ang kaguluhan matapos magkantiyawan ang magkalabang grupo.
Dito na may biglang nagpaputok ng improvised shotgun ng hindi pa kilalang preso saka nagsimula ang mga preso ng kaguluhan kung saan kanya-kanyang palitan ng suntok at hampasan ng mga gamit sa loob mismo ng NBP.
Umabot sa isang oras bago napayapa ng mga jailguard ang kaguluhan kung saan tatlo ang napatay habang 14 naman ang sugatan habang pitong preso ang sinasabing nagsimula ng riot.
Nasamsam sa mga preso ang iba’t ibang improvised shotgun (sumpak), mga patalim at iba pang gamit-pamatay kung saan hindi pa nabatid kung papaano naipasok ang mga improvised shotgun at patalim.
Bantay-sarado naman ang mga operatiba ng pulisya sa labas ng NBP sa anumang susunod na kaganapan kaugnay sa naganap na riot habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa tatlong preso na napatay at 14 sugatan.
Magpapalabas ng final statement ang pamunuan ng NBP kaugnay sa naganap na kaguluhan. MHAR BASCO