RIOT SA MCJ, 30 PRESO SUGATAN

Manila City Jail

UMABOT sa 30 preso ang sugatan matapos magkagulo sa loob ng Manila City Jail (MCJ) kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Manila PIO, nagkaroon ng riot sa pagitan ng mga mi­yembro ng Batang City at Sigue-Sigue Sputnik Gangs.

Naganap ang insidente sa Dorm 11 at 12 (Brgy. Paraiso) ng MCJ dakong  alas-6:28 ng umaga.

Agad namang naawat ng mga tauhan ng Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) ang gulo at agad na dinala sa Infirmary Unit ang mga sugatang inmate.

Mabilis ding nagsagawa ng mahigpit na security safety measures ang BJMP.

Kaugnay nito, nakipagdayalogo naman si J/Supt Randel Latoza, City Jail Warden, sa lahat ng lider ng dormitoryo upang mabatid ang mga hinaing o isyu ng mga preso sa nasabing pasilidad.