(Riot sa mga City, Municipal Jail nabawasan) INMATES ABALA SA PAINTING, PAG-AARAL

NANINIWALA si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Ruel Rivera na malaki ang naitulong ng kanilang inilunsad na programa sa mga city at municipal jails upang maiwasan ang riot.

Sa panayam kay Rivera, sinabi nito na kailangan lamang ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ang kanilang pagkakaabalahan at paglilibangan upang hindi maisip ang kanilang pagkakakulong .

Aniya, maraming mga PDL ang magagaling sa sining tulad ng painting at handicrafts.

Ayon kay Rivera, ibibigay ng Kawanihan ang lahat ng tulong sa mga PDL upang maging makabuluhan ang kanilang buhay sakaling lumaya.

Ani Rivera, hindi natatapos sa piitan ang buhay ng isang PDL. Kailangan nilang matiyak na ‘reformation’ ang bawat preso.

Maluwag na rin nakakagalaw at nakakaikot ang mga inmates sa kanilang mga selda bunsod ng tuloy tuloy na decongestion program.

Gayunpaman, tiniyak ni Rivera na magsasagawa pa rin sila ng Oplan Greyhound sa mga piitan upang masiguro na walang armas o patalim at illegal na droga ang nakakalusot. EVELYN GARCIA