RIOT SA QC JAIL: 1 PATAY, 7 SUGATAN

PATAY ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) o preso habang pito naman ang sugatan nang sumiklab ang riot sa Quezon City Jail Male Dormitory nitong Biyernes ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PEMS Jimmy Sanyuran ng Quezon Ciry Kamuning Police Station 10, pasado 3:00 ng hapon (May 13) nang magsimula ang gulo sa nabanggit na piitan na matatagpuan sa Bernardo Compound Brgy Kamuning sa lungsod.

Nagsimula ang riot sa pagitan ng grupong Batang City Jail at Commando sa hindi pa malaman na kadahilanan.

Lumilitaw na ang presong namatay ay nagtamo umano ng tama ng bala sa katawan mula sa sumpak.
Patuloy naman na inaalam ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng namatay at ng mga sugatan sa naturang kaguluhan.

Nabatid na wala ang QC Jail warden na si JSupt. Michelle Ng Bonto nang mangyari ang riot at hindi sumasagot kapag tinatawagan ang cellphone nito upang makapanayam sa naturang insidente.
EVELYN GARCIA/ MT BRIONES