RISK ALLOWANCE SA PRIVATE HEALTH WORKERS APRUB NA SA BICAM

RISK ALLOWANCE

PINAGTIBAY sa bicameral conference committee ang pagbibigay ng special risk allowance sa mga health care worker sa pribadong sektor at kompensasyon sa lahat ng medical frontliners na nagkasakit ng COVID-19.

Napagkasunduan nina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Senator Sonny Angara sa bicam na i-adopt ang probisyon sa bersiyon  ng Kamara na maglaan ng P10.5 billion na benepisyo sa mga medical frontliner kasama na ang tig-P10,000 special risk allowance ng mga private health care worker.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, sa naunang inaprubahang Bayanihan to Heal as One Act ay tanging benepisyo para sa mga health care workers sa gobyerno at pampublikong pasilidad ang nakapaloob dito.

Layunin ng Bayanihan 2 na bigyan din ng pantay na pagkilala sa kanilang pagsisikap ang mga private health worker sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na benepisyo.

Ang P10,000 special risk allowance sa mga private medical frontliner ay walang buwis kaya buo itong makukuha.

Sa ilalim pa ng pinagtibay na probisyon ay tinitiyak na mabibigyan ng kompensasyon ang mga medical worker sa pampubliko at pribadong sektor na nagkasakit ng COVID-19, mild symptoms man ito o nasawi dahil sa virus.

Sakop ng mabibigyan ng P100,000 compensation ang mga public at private health worker na nagkasakit ng COVID-19 mula noong February 1, 2020 hanggang sa kasalukuyan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.                     CONDE BATAC

Comments are closed.