PARA pawiin ang pangambang mauwi sa wala ang pinaghirapan sa loob ng mahabang panahon, hinihikayat ng pamahalaan ang publiko sa isang risk-free investment na tinatawag na ‘Premyo Bond’.
Ang Premyo Bond ay isang uri ng investment na kumikita ng interest quarterly at maibabalik ang buong halaga ng inilagak sa maturity date nito.
Sa halagang P500 hanggang P10 milyon ay maaaring mag-invest ang sinumang Filipino sa mga itinalagang bangko para sa kanilang kinabukasan kung saan ay may tsansa pang makasama at manalo sa ginaganap na quarterly raffle na ang ipinamamahagi ay cash prize at bahay.
Inilunsad ng Bureau of the Treasury (BTr) ang Premyo Bond noon pang nakaraang taon para sa mga ordinayong Filipino na may temang “Invest Pa More, Panalo Pa More Premyo Bonds Para Sa Bayan”.
Tiniyak ni National Treasurer Rosalia de Leon na risk-free investment ang Premyo Bond dahil secured ito sa ilalim ng pamahalaan na hindi lamang kumikita ng interest quarterly, kundi makatutulong pa sa pag-angat ng credit rating at tax collection ng gobyerno.
Bukod dito, makatutulong din ang pag-invest sa Premyo Bond para mapondohan ang Universal Health Care (UHC) at ang free tertiary education sa state universities and colleges (SUCs) sa bansa.
“This is intended to make more people go into the habit of investing in government securities and win prizes,” ani De Leon.
Kasama rin sa benepisyong makukuha sa Premyo Bond ang 3 percent interest kada taon sa bawat P500, na mas mataas sa 1 percent interest sa time deposits.
Maaari ring manalo ng cash reward o non-cash rewards at higit sa lahat ito ay ‘protected investment’ na siguradong makukuha nang buong-buo ang capital matapos ang isang taon o maturity date. VICKY CERVALES