RIVER REVETMENT WALL SA SILANG MULING GUMUHO

CAVITE- WALANG LIGTAS sa delubyong dala ng kalamidad matapos na bumigay at gumuhong muli ang  river slope protection project o revetment wall sa may Sitio Pasipit sa Brgy. Tubuan 3 sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.

Inukab ng bagyong ‘Kristine’ ang loob ng naturang river flood control project noong Oktubre 23 kung saan itinaas ang signal no. 2 sa lalawigan.

Sa post ng dating alkalde na si Atty. Kevin Anarna na nagtungo sa lugar, isang araw matapos ang bagyo, nabatid na tuluyan ng nasira ang revetment wall na pinondohan ng pamahalaan.

“Ito po iyong dating nasira pero ngayon po ay mas lalong lumala ang sira ng river revetment na ginawa lalo pong naukab pagdaan po ng bagyong Kristine kaya very dangerous po talaga ito sa ating mga kababayan na nasa gilid ng ilog” ayon kay Anarna.

Nagkomento naman sa social media ang netizen na si Julie Tolentino hinggil sa ginamit na materyales sa konstruksyon ng nasabing proyekto.

“Kung mapapansin po natin ang ginamit na mga bakal dito sa revetment wall sa Barangay Pasipit ay 9mm lamang at wala ring laman ang loob nito, kung atin pong titingnan grabe po ang pinsala nito sa ating bayan, nakakasakit ng kalooban na wala na sa katwiran ang ginagastos na pera para dito” saad ni Tolentino.

Magugunita na ang lokal na pamahalaan ng Silang sa pamumuno ni noo’y Acting Mayor Ted Carranza kasama si Atty. Erwin Velazco, kinatawan ni Cavite 3rd District Rep. Roy Loyola ay nakipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways 3rd District Engineering Office noong Hulyo upang magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pag-collapse ng ‘Flood Mitigation Structures – Construction of Revetment’ sa Imus River dahil sa malakas na pagragasa ng tubig-ulan dulot ng bagyong ‘Carina’.

Sinabi rin ni District Engr. Ramil Juliano na muli nilang irere-assess ang revetment wall at sinabi sa pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na ito ay kukumpunihin ng Prime Pacific Marine and Industrial Services Corporation dahil ito ay nakapaloob pa sa isang taong liability period.

Magtatayo rin ng karagdagang drainage outlet upang mapadali ang daloy ng tubig mula sa residential side subalit hanggang sa kasalukuyan ay nakatengga ang nasabing repair sa Imus river ng kontraktor nito.

Samantala, ayon sa Annual Infrastructure Program na nakabase sa General Appropriations Act of 2023, ang natu­rang revetment wall along Imus river (East and West side) ay pinondohan ng DPWH ng halagang P100 milyon na inimplementa ng Central office at Cavite 3rd District Engineering Office.

Sa status of contracts-report for stakeholder ng ahensya, ang naturang proyekto na may Contract ID no. 22DQ0021 ay nagkakahalaga ng P78,164,460,21 at ‘completed’ na ito noong Pebrero 23, 2022 hanggang Nobyembre 6, 2023.

RUBEN FUENTES