LIGTAS na at nailikas na ang mga pamilyang apektado ng pinsalang hatid ng bumigay na river slope protection project o revetment wall sa may Pasipit sa Brgy. Tubuan 3 sa bayan ng Silang sa Cavite.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Silang sa pamumuno ni Acting Mayor Ted Carranza kasama si Atty. Erwin Velazco, kinatawan ni Cavite 3rd District Rep. Roy Loyola ay kaagad nakipag-ugnayan sa DPWH upang magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pag-collapse ng ‘Flood Mitigation Structures – Construction of Revetment’ sa Imus River dahil sa malakas na pagragasa ng tubig-ulan.
Kaagad nagsagawa ng inspeksyon nitong Hulyo 24 ang Department of Works and Public Highways (DPWH) 3rd District Engineering Office kung saan nakita na ang mga pinsala ay dulot ng bagyong ‘Carina’.
Batay sa inspeksyong isinagawa ng ahensya, natuklasan na may 50 metrong pinsala sa kabuuang 600 metrong proyekto ng revetment wall.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng overflow ng tubig mula sa drainage na galing sa residential side ng revetment at ang naipong tubig ang nagtulak sa estruktura papunta sa ilog na naging sanhi ng pagguho nito.
Ang bayan ng Silang ay sumailalim sa Orange Rainfall sa nakalipas na dalawang araw.
Samantala, sinabi ni District Engr. Ramil Juliano na muli nilang tatasahin (re-assess) ang revetment wall at sinabi sa pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na ito ay kukumpunihin ng Prime Pacific Marine and Industrial Services Corporation dahil ito ay nakapaloob pa sa isang taong liability period.
Magtatayo din ng karagdagang drainage outlet upang mapadali ang daloy ng tubig mula sa residential side.
RUBEN FUENTES