RIZAL MEMORIAL IPASISILIP SA MEDIA

Rizal Memorial Sports Complex

IPASISILIP ni  ­Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa mga ­miyembro ng media sa Lunes ang ina­ayos   at pinagagandang  Rizal Memorial Sports Complex na isa sa mga pagdarausan ng mga laro sa 30th Southeast Asian Games.

Ang makasaysa­yang sports complex ay isinailalim sa rehabilitasyon bilang paghahanda sa biennial meet na gaganapin sa bansa sa ­Nobyembre 30-­Disyembre 11.

“I invited members of media to join me tour all the facilities underwent renovation and refurbishing to see for themselves the sports complex is ready to host the SEA Games,” sabi ni Ramirez.

Si Ramirez ang Chief of Mission ng Philippine delegation sa SEA Games na idaraos sa bansa sa ika-4 na pagkakataon.

Ang rehabilitasyon ng RMSC ay ginastusan ng mahigit P249 million mula sa PSC National Development Fund bilang paghahanda sa nasabing torneo na huling idinaos sa bansa noong 2005.

Halos 24 oras ang pagtatrabaho sa rehabilitasyon ng nasabing sports complex para ma-meet ang deadline bago simulan ang pinakamalaking sports competition sa rehiyon.

Mahigit sa 10,000 atleta mula sa 11 bansa ang magbabakbakan sa 56 sports na may nakatayang  523 medalya.

Lalaruin ang SEA Games sa iba’t ibang venues sa Metro Manila, Southern Tagalog, Subic at sa 30,000-sitting capacity New Clark Sports Complex, na main hub ng kumpetisyon kung saan gagawin ang mayaman sa medalya na athletics at swimming.

Magsisimulang magdatingan ang mga delegasyon mula sa 10 bansa sa susunod na buwan.

Pangungunahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang opening ceremony ng Games sa Philippine Arena sa Bulacan, kasama ang mga opisyal ng SEA Games Federation. CLYDE MARIANO

Comments are closed.