RIZAL SWIMMER UNANG TRIPLE-GOLD MEDALIST SA BATANG PINOY

ILOCOS SUR — Nanalasa si Aubrey Tom ng Rizal sa girls’ 400m individual medley upang maging unang triple-gold winner sa Philippine Sports Commission-Batang Pinoy kahapon sa Quirino Stadium pool sa Bantay dito.

Naorasan si Tom, isang 15-year-old Grade 10 University of the Philippines Integrated School student, ng limang minuto at 31.10 segundo sa pagdomina sa girls’ 400m IM.

Dinomina ng UAAP doublegold winner ang 100m free at 200m IM sa inaugurals noong Sabado.

Ang Cainta-based lass ay kinapos sa kanyang five-gold effort sa huling edisyon ng Batang Pinoy, tatlong taon na ang nakalilipas sa Puerto Princesa, Palawan, subalit masaya at nakabalik siya sa winning form makaraang halos mawalan ng interes sasport.

“I almost quit, I’m just happy to be back and winning,” sabi ni Tom.

Sa swimming din ay sinisid nina Kristian Yugo Cabana ng Lucena at Kyla Louise Bulaga ng La Union ang kanilang ikalawang gold, habang nanalasa si cyclist Maritanya Krog ng Caloocan sa criterium.

Naorasan si Cabana ng isang minuto at 5.40 segundo sa pagsikwat ng kanyang ikalawang gold sa boys’ 100-meter butterfly 12 and under upang idagdag sa kanyang 200m individual medley meet noong Sabado sa Quirino Stadium pool sa Bantay.

Naitala naman ni Bulaga ang kanyang ikalawang golden swim sa girls’ 100m fly para sa 12 and under sa 1:12.70, isang araw makaraang dominahin ang 200m IM.

Sa pares ng panalo ay sinamahan nila sa elite company ng twogold winners si Tom, isang 15-yearold native mula sa Cainta na naghari sa 100m freestyle at 200m IM sa inaugurals noong Sabado.

Nagningning din si 13-yearold Krog, ang bunsong kapatid nina dating national riders Rex at Mathilda na nagwagi ng girls’ 13-and-below gold sa 37:43.519. Tinalo niya sina Iloilo’s Maria Louise Alejado (39:12.067) at Calapan’s Jhanah Abella 39:16.426 sa karera na nagsimula at nagtapos sa harap ng Provincial Capitol.

“Pangarap ko pong maging national team at makalaro sa ibang bansa,” sabi ni Krog makaraang makopo ang pinakamalaking panalo sa kanyang batang career.

Sumungkit din ng gold sa cycling sina Emmanuel Arago ng Batangas City, Jacqueline Joy de Guzman ng Quezon City at Chris Andreu Ferrer ng Cebu City.

Naghari si 13-yer-old Arago sa boys’ under 13 matapos irehistro ang 36 minuto at 05 segundo. Dominado ni Arago ang karera dahil malayo ang agwat nito sa pumangalawa at sumikwat ng silver medal na si Dashel Carmona ng General Santos na nakapagtala ng 38 minuto at 05 segundo, bronze naman ang kinalawit ni DJ Perez ng Pangasinan.

“Hindi ko inaasahan, nagulat ako sa panalo ko, umpisa pa lang kumawala na ako tapos noong malapit na sinasabihan na ako na hinay-hinay na kasi malaki ang agwat ko,” masayang sabi ni Arago na idolo si dating Ronda champion Ronald Oranza. Naungusan naman ni De Guzman si Davine Novo ng Tuguegarao sa girls’ 14 to 15 mint sa 46:48.768. Nagkasya si Mica Angela Montaos sa bronze sa 47:43.073.

Kinailangan din ni Ferrer ng late push upang kunin ang boys’ 14 to 15 gold sa 52:44.492, at tinalo sina eventual silver medalist Brendz Agyn Celerian ng Iloilo City (52:44.850) at bronze winner Mark Dave Pipo ng Ilocos Sur (52:45.069).

Ang iba pang nakapitas ng gintong medalya sa Day 2 ng grassroots development program ng PSC ay sina Sophia Angela Dela Vega ng San Jose Ciity, (long jump), Ellaine Jane Calunsag (weightlifting) at Hannah Shene Cabalida (weightlifting).

CLYDE MARIANO