KUMPIYANSA ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na sa loob ng linggong ito ay tuluyan ng magiging ligtas sa panganib ng African swine fever (ASF) ang lalawigan ng Rizal.
Matatandaang sa Rizal unang pumutok na may nakapasok sa bansa na ASF hanggang sa unti-unting kumalat ito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, unti-unti na aniyang nalilinisan ang nasabing lalawigan partikular na sa mga lugar kung saan naunang naipatupad ang 1-7-10 protocol ng Department of Agriculture upang maiwasang kumalat ang ASF sa iba pang lugar.
Kasunod nito, siniguro naman ni So na maliban sa Rizal, mahigpit din ang pagmamatyag nila sa Bulacan, Pampanga, Pangasinan at Quezon City, kung saan mayroong culling operations na isinasagawa sa mga baboy na pinaniniwalaang apektado ng ASF. BENEDICT ABAYGAR, JR.