RO-RO SA PAGITAN NG FILIPINAS AT INDONESIA

Magkape Muna Tayo Ulit

PINAG-UUSAPAN muli ng bansang Fi­lipinas at Indonesia ang pagbuhay ng roll-on, roll-off (RoRo) mula sa Davao City papuntang Kota Bitung sa hilagang bahagi ng isla ng Sulawesi. Noong ika-28 ng Abril, pinasinayaan ni Pangulong Duterte at ng pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ang nasabing RoRo service. Ang biyahe ng RoRo mula sa nasabing dalawang siyudad ay aabot lamang ng halos tatlong araw. Dati-rati, ang nasabing RoRo ay inaabot ng limang linggo. Nagsisimula ito sa Davao, subalit kailangang maglakbay muna sa Manila bago bumalik sa katimugan na dadaan pa sa West Philippine Sea at sa karagatan ng Malaysia.

Ang bulto ng nasabing biyahe ay tungkol sa kalakaran ng palitan ng mga produkto mula sa dalawang bansa. Kasama rito ay mga animal feeds, produkto para sa aquaculture, u­ling, kape, construction materials, copra, fertilizer, pagkain, prutas, ice cream at maraming pang iba.

Kung ating susumahin, ang pagbuhay ng RoRo mula sa Davao at direktang babaybay sa Kota Bitung ay papabor sa a­ting mga negosyanteng lokal. Dahil mas mabilis nilang mai­dadala ang kanilang mga produkto sa Indonesia. Bababa rin ang patong sa presyo dahil mala­king bawas ito sa krudo at bilang ng araw ng biyahe.

Subalit, nahinto ito  pansamantala dahil nga walang  masyadong tumangkilik sa nasabing serbisyo. Dito tuloy nanunumbalik sa a­king kaisipan ang P2P buses na inumpisahan ng panahon ni LTFRB chairman Winston Gi­nez noong nakaraang administrasyon.

Tulad ng plano ng RoRo sa Davao at Kota Bitung, ang P2P ay naisip upang mabigyan ng alternatibo ang mga pribadong motorista na huwag na magdala ng sasakyan papunta at pauwi mula sa kanilang trabaho. Ang hangarin dito sa P2P ay upang mabawasan ang mga pribadong sasakyan sa kahabaan ng EDSA.

Noong una ay nilalangaw ang P2P. Kakaunti ang tumatangkilik dito. Panay ang batikos ng mga komentarista sa radyo sa P2P. Hindi raw maganda ang nasabing plano. Subalit ang programang P2P ay nagpursige. Ipinagpatuloy ito ng kasalukuyang lide­rato ng LTFRB. Tingnan na ninyo ngayon ang P2P, palaging puno ng pasahero ang kanilang mga bus. Nagdagdag pa sila ng mga karagdagang pick up points sa ibang malls dahil nakita at napansin ng marami sa ating mga pribadong moto­rista na kombinyente ang paggamit ng P2P.

Sana ay ganito rin ang mangyari sa serbisyo ng RoRo sa pagitan ng Filipinas at Indonesia. Napakaganda ng layunin nito. Makatutulong sa ekonomiya ng parehas na bansa. Maaari pang mag-­angat  ito sa industriya ng turismo.

Ayon sa datos ng ating gobyerno, nakalikom sa trade ng $7 billion noong 2017. Ang bansang Indonesia ay umangat sa listahan ng Filipinas bilang ikasiyam sa leading trade partners natin. Noong taong 2015, ika-11 sila na may trade na $4 billion lamang.

Comments are closed.