APRUBADO na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang pagbuwag sa Road Board matapos na bawiin ang naunang panu-kala na inaprubahan na sa ikatlong pagbasa.
Ito ay matapos magpulong sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at House Ma-jority Leader Rolando Andaya kung saan nagkasundo ang mga ito na tuluyang i-abolish ang Road Board.
Ipinasok ng Kamara ang amendments sa Road Board Abolition kung saan napagkasunduan na gawing maikli at simple lang ang amyenda.
Kabilang sa mga inamiyendahan ay ang pagbuwag sa ahensiya at ang panukalang palitan ang orihinal na pitong miyembro ng Road Board ng tatlong makapangyarihang Road Board kings na pamumunuan ng mga kalihim ng DPWH, DOTr at DENR.
Ilalagay na rin sa General Fund ang nakolektang P45 billion mula sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road users tax na nakapaloob sa 2019 budget.
Gagamitin ang halagang ito para sa repair, rehabilitation at reconstruction ng mga kalsada, tulay, drainage systems, gayundin sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Dagdag pa rito ay isasama ang perang malilikom sa MVUC sa taunang General Appropriations Act.
Inaasahang sa susunod na linggo ay ipapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang pagbuwag sa Road Board. CONDE BATAC
Comments are closed.