ROAD BOARD KAKATAYIN NA?

MASAlamin

NASA sa kamay na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsentensiya sa pagkatay sa Road Board na matagal na pinamugaran ng bilyon-bilyong pisong pork barrel para sa mga kongresista.

Ang House Bill No. 7436 ay ang panukalang batas na kakatay na sa Road Board na in-adopt naman ng Senado para mapabilis na ang paglalamay sa Road Board.

Maaalalang bil­yon-bilyong piso ang nawawala sa Road Board na ibinulgar ng nasirang Sen. Miriam Defensor-Santiago noon.

May mga estimate na nasa higit P100 bilyon ang nawawala noon, hi­git sa naunang pagbubulgar ni Sen. Santiago na nasa P60 hanggang P80 bilyon.

Kung ilang administrasyon na ang dumaan ngunit ang mandato ng Road Board ay hindi naman naisasagawa ng korap na ahensiya, katulad na lamang ng pag-aaspalto ng mga national road, dahil nanatiling sementado ang marami.

Ang espalto kasi ay nakaka-save ng gulong ng mga sasakyan, hindi katulad ng semento na mas madaling makapudpod ng mga gulong ng mga ito.

Taon-taon ay nakahihingi ang mga pinapaborang kongresista at senador ng pondo mula sa Road Board na karaniwang naibubulsa lamang o kaya naman ay kaka­rampot na lamang ang napupunta sa proyekto kung mayroong totoong proyekto.

Ang Road Board ay katulad din ng napabalita noong National Agribusiness Corp. Kung saan pinadadaan naman ang mga pork barrel ng ilang mga kongresista at senador at namunini nang husto ang mga katulad ni Janet Lim-Napoles.

Ipinasarado ito ni dating Pangulong Noynoy Aquino at hinabol ang mga kalaban sa politika gamit ang mga dokumentong nakalap mula sa nasabing ahensiya, samantalang mas maraming kasama niya sa partido ang nagtatampisaw ang mga pangalan sa nasabing ahensiya, ang isa ay senador pa nga ngayon.

Na kay PRRD na ang pork, lilitsunin na ba?