NAGPAALALA ang Quezon City Traffic Transport Management Department sa mga motorista na magkaroon ng ‘road courtesy’ at pairalin pa rin ang disiplina sa kalsada lalo ngayong Holiday season.
Matatandaang tumataas ang kaso ng mga aksidente sa daan gaya nalang ng nangyaring karambola sa Katipunan kamakailan kung saan may apat na indibidwal ang nasawi.
Ayon kay QC TTMD Chief Dexter Cardenas, kadalasan sa mga aksidenteng naitatala nila ngayon ay mga galing sa Christmas party at nagmamaneho ng lasing ng madaling araw.
Delikado ito lalo na sa mga nagmomotorsiklo dahil kadalasang mas malala ang mga tinatamo nilang pinsala kumpara sa mga naka-sasakyan.
Dahil dito nanawagan ang traffic department lalo na sa mga uma-attend ng Christmas party, magkaroon sana ng disiplina sa sarili at kung balak uminom ay huwag nalang magdala ng sasakyan o motor para maiwasan ang aksidente na maaaring kumitil ng sariling buhay o buhay ng iba.
“Kung iinom kayo sa isang party, wag na kayong magmaneho at sana may kasama kayong marunong magmaneho na magmamaneho para sa inyo. O kung iinom kayo, wag na kayong magdala ng sasakyan o motor kasi yun ang nagiging problema sa lansangan, ang drunk driving.”
P. ANTOLIN