ROAD DIGGINGS TUTUKAN

ROAD DIGGINGS

KASABAY ng malawakang ‘road clearing operations’ na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na pamahalaan, hinimok ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang Malakanyang na magpalabas ng direktiba kaugnay ng ginagawang paghuhukay sa mga kalsada.

Ayon kay Atienza, ang iniwan at matagal na pag­huhukay sa iba’t ibang kalye, hindi lamang sa Metro Manila, ang isa rin sa mga nakadaragdag sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Kaya naman ang panawagan niya ay magkaroon ng executive order hinggil dito ang Palasyo, na ang pangunahing layunin ay masigurong maayos ang gagawing pag­huhukay sa mga lansangan, partikular ang maiwasang maging sanhi ito ng matinding trapik.

“We need highly disciplined road diggings, considering that there could be up two million of them nationwide every year, including those done by utility companies,” ani Atienza.

Iminumungkahi ng partylist solon na kumuha muna ng road excavation permit ang sinumang public at private contractor na magsasagawa ng paghuhukay sa mga kalsada kung saan may itatakdang kaukulang bayad para rito.

Nais ni Atienza na gawing mas mahal ang nasabing permit kung ang excavation works ay isasakatuparan sa araw sa halip na sa gabi o hatinggabi at maging sa araw ng weekdays kaysa weekend kung saan kakaunti ang bilang ng mga sasakyan at hindi gaanong makaaabala ito sa mga motorista. Sa nasabing permit ay nakasaad din kung hanggang ilang araw gagawin at matatapos ang paghuhukay, kapag nagkaroon ng delay ay papatawan ng multa kada oras na lagpas sa itinakdang taning ang kontratista.

Kapag naipatupad ito, naniniwala si Atienza na mas pagtutuunan ng pansin ng mga contractor ang kanilang pagtatrabaho lalo na ang pagtapos nito sa tamang panahon at maiiwasang makapagdulot sila ng mabigat na trapiko.

Samantala, hinggil sa ipinatutupad ngayong road clearing operations ng local government units (LGUs), sinabi ng mambabatas na maituturing itong bahagi pa rin ng anti-corruption campaign ni Pa­ngulong Duterte.

“The corruption that pervades the illegal use of roads and sidewalks – as public transport terminals, parking spaces and vending areas – involves crooked local motor vehicle traffic bosses, active and retired police and military officers and barangay officials, among others,” ani Atienza.

“Every Tom, Dick and Harry illegally occupying and obstructing a public road or sidewalk is paying a bribe to somebody. This is why we consider President Rodrigo Duterte’s road and sidewalk-clearing push as a herculean fight against corruption,” dugtong pa niya.

Naniniwala si Atienza na hindi na kailangan pa na mabigyan ng emergency powers ang Pangulo maging ang iba pang ahensiya ng gobyerno para mapaluwag ang mga daanan at sa halip ay gamitin lamang ang police powers, nito gayundin ang pagbibigay babala sa LGUs na maparurusahan kung hindi sila makikiisa at mabibigo sa road clearing operations.

“As we’ve been pointing out repeatedly, the government does not really need emergency powers to fix road congestion. It has ample police powers to remove all unwanted road obstructions,” dagdag ni Atienza. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.