(Road rage sa Ayala tunnel) NEGOSYANTE NA NAMARIL INASUNTO

TINULUYAN nang kinasuhan ng Makati City Police ang negosyanteng bumaril at nakapatay ng family driver sa Edsa-Ayala Tunnel sa Makati City.

Kasong murder ang isinampa ng Makati City Police kay Gerard Raymundo Yu na pumatay kay Aniceto Mateo dahil sa kasong road rage nitong Martes ng hapon.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Lt. Col. Eunice Salas, isinagawa ang inquest proceedings sa Makati City Prosecutors Office laban sa negosyante.

“The NCRPO through the Makati City Police Station has filed murder charges against Gerrard Raymund Talusan Yu, the suspect in the fatal road rage shooting that occurred near the Ayala Southbound Tunnel in Makati City on May 28, 2024,” ayon kay Salas.

Ang reklamo ay submitted for resolution na kasunod ng pag-waive ni Yu ng karapatan niya para sa isang preliminary investigation.

Matatandaan na inaresto si Yu sa kanyang bahay sa Pasig City kung saan natagpuan ang sasakyan na ginamit sa krimen at pinalitan ng plate number.

Narekober din sa bahay ni Yu ang baril na ginamit sa krimen matapos ang isinagawang cross matching sa narekober na basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.