ROAD RAGE SA TONDO IIMBESTIGAHAN NG LTO

PINAIIMBESTIGAHAN ni Land Transportation Office (LTO) chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang malalang insidente ng road rage sa Tondo, Maynila.

Ang nasabing imbestigasyon ay kaugnay sa aksidenteng kinasasangkutan ng isang trailer truck at isang delivery van na nangyari noong Huwebes.

Sinabi ni Mendoza na inatasan na nito si LTO-National Capital Region Director Roque Verzosa III na mag-isyu ng show cause irder (SCO) sa rehistradong may-ari ng trailer truck at driver nito na kinilala ng pulisya na si Marlon Valdez Ilas.

Batay sa ulat, namatay ang driver ng delivery van na si Benjamin Endrina Bagtas nang maipit ito sa pagitan ng minamaneho nitong van at trailer truck dulot isang insidente ng road rage.

Ayon sa police report, naghiwa-hiwalay ang mga driver ng delivery van at trailer truck sa southbound ng Mel Lopez Boulevard sa Tondo.

Nabatid na bumaba si Bagtas sa sasakyan ngunit napasandal siya sa van nang ilihis ni Ilas ang sinasakyan nitong trailer truck patungo sa direksyon kung saan naroroon ang biktima na nagresulta sa pagkaladkad at pagkaipit nito.

Idineklarang dead on arrival ang biktima habang nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang driver ng trailer truck at nahaharap sa kasong kriminal.

Sinabi pa ni Mendoza na ipinaalam na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang pinakabagong insidente ng road rage. PAULA ANTOLIN