INILAHAD kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakatakdang na namang pagsasara ngayong weekend ng ilang kalsada sa Metro Manila kaugnay sa pagsasagawa ng road re-blocking ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa MMDA, asahan ang mas matinding trapik bunsod ng pagsasara ng kalsada simula alas-11:00 ng gabi kagabi (Biyernes) sa Southbound ng C-5 Road malapit sa SM Aura (2nd outermost lane); EDSA Scout Borromeo malapit sa GMA 7 (2nd lane mula MRT lane) at Scout Albano-Panorama Development Corporation Building (beside sidewalk) at unang lane mula sa bangketa sa EDSA bago dumating ng Olivero footbridge.
Sa Northbound lane naman ay magdudulot din ng matinding trapiko sa mga motorista ang Tandang Sora Avenue (harap ng Petron Gas Station); ikaapat na lane mula sa center island sa Batasan Road malapit sa DSWD Central Office at Mindanao Avenue, Road 20 (truck lane) gayundin sa harapan ng Petron Gas Station (truck lane).
Magsasagawa rin ng road restoration sa southbound lane ng Quirino Highway mula Villa Sabina hanggang Belton Drive (unang lane mula sa bangketa); southbound ng Visayas Avenue; dalawang lane magmula sa bangketa ng Visayas Avenue Road 1 intersection at Villa Beatriz sa may Commonwealth Avenue.
Ang mga nakatakdang pagsasagawa ng road re-blocking ng DPWH ay inaasahang matatapos hanggang alas-5:00 ng umaga sa Lunes (Nobyembre 19) kung saan magiging normal na ang daloy ng trapiko sa mga nabanggit na kalsada para sa mga dadaan na mga motorista.
Kasabay ring magsasagawa ng kanilang restoration ang Manila Water Co. Inc., southbound ng EDSA sa may panulukan ng Li-on’s St., Brgy. Barangka Ilaya, Mandaluyong City na sinimulan nang alas-10:00 kagabi hanggang alas-5:00 ng umaga ngayong araw ng Sabado.
Pinayuhan na rin ng MMDA ang mga motorista na gumamit na muna ng mga alternatibong ruta patungo sa kanilang mga des-tinasyon at hanggang maaari ay iwasan ang mga nabanggit na lugar at mga kalapit na kalsada ng mga ito upang hindi maabala sa kanilang patutunguhang destinasyon. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.