NUEVA VIZCAYA- MAGLULUNSAD ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ng isang Road Crash Incident Prevention Campaign alinsunod sa kautusan ng bagong PNP Provincial Director na si Col. Ranser Evasco upang maiwasan ang mga aksidente sa mga daan sa nasabing probinsiya.
Ayon kay Evasco, mula nang maitalaga siya bilang bagong PD ng PNP-Nueva Vizcaya noong Oktubre 24, pinag-aralan nitong mabuti ang sitwasyon sa kanyang nasasakupang lalawigan na kung saan ay nakita nito ang maraming kaso ng aksidente sa kalye na karaniwang nangyayari sa mga kabataang naka- motorsiklo at naka-inom ng alak.
Isang command conference ang isinagawa sa NVPPO na pinangunahan ni Evasco, kabilang ang ilang mga opisyal ng PNP ay inihayag nito ang pagtatatag ng isang task force na bubuin ng police riders na naka-sibilyan sasailalim sa pagsasanay ng PNP Highway patrol Group (HPG).
Nais nitong magkaroong ng Road Safety Marshalls sa bawat bayan at ang mga miyembro ay ang napiling volunteer civilian riders na tutulong sa mga pulis na magmomonitor sa mga motoristang lumalabag sa batas sa lansangan.
Layunin pa ng pamunuan ng NVPPO na tututukan ang accident prone areas gayundin ang paglalagay ng road signages para maging gabay ng mga motorista upang maiwasan ang aksidente sa daan.
Sinabi ni Evasco, palalakasin din ang koneksiyon sa bawat barangay upang magkaroon ng magandang ugnayan ang mga pulis sa mga nasasakupang komunidad. IRENE GONZALES
Comments are closed.