‘ROAD TO GOLD’: PERPETUAL NAGHAHANDA NA PARA SA GOLDEN YEAR SA 2025

From left: Frank Gusi, Dra. Marjorie Gutierrez-Tangog, Anton Tamayo and Rizal Paula Aldea. PSA Photo

NGAYON pa lamang ay naghahanda na ang University of Perpetual Help System Dalta para sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo nito sa susunod na taon.

Ang eskuwelahan ay nagkasa ng ilang aktibidad at programa para sa paghahanda  patungo sa tinawag ng university officials na ‘Road To Gold’.

Ginawa nina Vice President for Academic Affairs Dra. Marjorie Gutierrez-Tangog at UPHR VP for Sports Development Anton Tamayo ang anunsiyo sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex kung saan sinamahan sila nina sports coordinator Frank Gusi at women’s volleyball team captain Rizal Paula Aldea.

‘”We are celebrating our 49th year and this is leading to our 50th year in what we call our ‘Road To Gold’ in 2025. Nagsimula na ‘yan this year and unti-unti na naming ni-launch like our alumnus taking an active role in our sports program like in the case of Scottie Thompson, who is now part of the coaching staff of the men’s basketball team,” sabi ni Dr. Gutierrez-Tangog.

Inanunsiyo rin ng Perpetual Help sa public sports program na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, at ArenaPlus, ang nangungunang sports entertainment gateway sa bansa, ang launching sa Hunyo o Hulyo ng school’s athletes’ quarters, isang 12th-storey building kung saan patutuluyin ang lahat ng mga atleta.

Subalit tampok sa golden anniversary celebration ng eskuwelahan ay ang magandang ipinakikita ng Altas sa lahat ng sporting events, lalo na ang men’s basketball team na ginagabayan ngayon ni bagong coach, nine-time PBA champion Olsen Racela.

Sinabi ni Gusi na matagal nang pangarap ni Perpetual Help chairman Dr/BGen. Antonio Tamayo na masungkit ng eskuwelahan ang kauna-unahang NCAA championship nito makaraang dalawang beses na kapusin noong 1988 sa pangunguna ni PBA great Bong Hawkins at noong 2004, sa pamumuno ni Noy Javier.

“‘Yun ang kanyang (Tamayo) ambisyon ang makatikim naman ng championship (sa basketball). Lumaban na rin naman ang Perpetual sa finals, pero nagkataon lang na hindi sinuwerte,” anang long-time athletic director.

Ang Altas ay may winning culture sa iba pang sports, tulad ng chess, beach volleyball, table tennis, at volleyball, kung saan nangibabaw ito sa men’s women’s, and boys’. Ang men‘s  at boys’ teams ay kapwa reigning NCAA champions.

“Inalis namin ‘yung ressure (mag-champion). Ang nilagay namin ma-inspire pa kami. Kasi ‘yung men’s team namin champion, so ang iniisip namin kung kaya nila, kaya rin namin,” sabi naman ni Aldea.

Idinagdag ni Gutierrez-Tangog na bahagi ng paghahanda ng Altas para sa kanilang golden year ay ang pagsusulong ng “competence at confidence” ng koponan upang mapanatili ang kanilang winning tradition.

“Character building is nation building. ‘Yan ang spirit ng aming unibersidad,” aniya.

CLYDE MARIANO