CAMIGUIN – TATLONG call center agents ang bumulagta habang 11 iba pa ang sugatan makaraang mawalan ng preno ang sinasakyan tourist van na sumalpok sa open field sa kahabaan ng highway sa Sitio Quipasa, Barangay Poblacion sa bayan ng Mambajao, noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ng pulisya na naisumite kay P/Lieutenant Coronel Roy Bahain, hepe ng Camiguin Police, nawalan ng preno ang puting Toyota Hi-Ace van kaya nagtuluy-tuloy na sumalpok sa cilid ng open field kung saan namatay ang tatlo na kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan habang naisugod naman sa pagamutan ang mga sugatan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni P/Captain Arnold Gaabucayan, hepe ng Mambajao Police, ang mga biktima ay sinasabing mga kawani ng IBEX Global Davao na nagtungo sa Camiguin Island para sa team building ng kanilang kompanya noong Sabado ng umaga bago magpunta sa Saay Cold Spring.
Nabatid na ang sampu sa mga sakay ng van ay nasa malubhang kalagayan habang minor injuries naman ang tinamo ng driver ng van na si Joy Sobremisana.
Sinasabing walang kasamang tour guide ang mga biktima at planong magpunta sa White Island, subalit dahil sa magdadapit-hapon na ay nagdesisyong magpunta sa Saay kung saan naganap ang trahedya. MHAR BASCO
Comments are closed.