ROAD WARRIORS HUMARUROT

Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)
5 p.m. – Converge vs TNT
7:30 p.m. – San Miguel vs Ginebra

NALUSUTAN ng NLEX ang matikas na pakikihamok ng Phoenix upang maitakas ang 100-95 panalo at manatiling walang talo sa PBA Governors’ Cup kagabi.

Sumandal ang Road Warriors kay import Myke Henry sa stretch nang umatake ang Fuel Masters, bago umiskor si Anthony Semerad ng reverse layup at isinalpak ni Robie Herndon ang isang clutch three pointer upang bigyan ang NLEX ng 99-95 kalamangan.

Nagtangka ang Phoenix, humabol mula sa 23-point deficit, sa game-tying four-point basket upang ipuwersa ang overtime, subalit kinapos ang tira ni JayJay Alejandro at nabigo ang Fuel Masters na makumpleto ang monumental comeback.

Naitala ng NLEX ang ikalawang sunod na panalo upang sumalo sa Rain or Shine sa ibabaw ng Group B standings.

“We weathered the storm a little bit late. And they got the lead. It’s a good thing we still maintained our composure,” sabi ni NLEX coach Jong Uichico. “If there’s anything good that happen in today’s game, it’s overcoming the adversity. And not giving up, still maintaining our discipline and composure in the last minutes of the game.”

Tumapos si Henry na may 37 points, 9 rebounds, at 5 assists. Tumipa siya ng 10 points sa final quarter, kabilang ang pitong sunod na puntos na tinuldukan niya sa dalawang free throws na muling nagbigay sa NLEX ng kalamangan sa 94-93, may 2:03 ang nalalabi.

Nagdagdag si Semerad ng 13, habang nalimitahan si Robert Bolick sa 11 points, subalit may 7 rebounds at 9 assists.

Naitala ni RR Garcia ang 14 sa kanyang team-high 18 points sa final quarter upang sindihan ang paghahabol ng Phoenix.

Nagbuhos si Phoenix import Jayveous McKinnis ng double-double na15 points at 14 rebounds, subalit nasa bench siya nang mag-rally ang koponan sa likod ng all-Filipino crew nina Garcia, Javee Mocon, Jason Perkins, rookie Kai Balunggay, at Alejandro.  CLYDE MARIANO

Iskor:
NLEX (100) – Henry 37, Semerad 13, Bolick 11, Fajardo 10, Herndon 9, Rodger 8, Amer 6, Marcelo 2, Valdez 2, Policarpio 2.

Phoenix (95) – Garcia 18, McKinnis 15, Perkins 13, Mocon 12, Tio 10, Ballungay 8, Alejandro 5, Tuffin 3, Jazul 2, Muyang 2, Daves 2, Salado 0, Rivero 0.
Quarterscores: 25-16; 53-30; 76-67; 100-95.