ROAD WARRIORS SINAGASAAN ANG BOSSING

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5 p.m. – Terrafirma vs NorthPort
7:30 p.m. – Magnolia vs Converge

SINANDIGAN nina Robert Bolick at Myke Henry ang NLEX sa 104-87 panalo laban sa Blackwater sa PBA Governors’ Cup nitong Biyernes sa Araneta Coliseum.

Nakalikom si Bolick ng 24 points, 11 assists at 9 rebounds, habang tumapos si Henry na may 31 points at 10 boards.

Nakontrol ng Road Warriors ang dalawang middle quarters kung saan naitarak nito ang 89-62 kalamangan bago inapula ang mainit na paghahabol ng Bossing sa fourth period.

Ang opening win sa Group B ang unang official victory din para kay coach Jong Uichico makaraang magpahinga mula sa head coaching chores magmula noong 2016.

“I think we defended pretty well naman, especially in the first half,” sabi ni Uichico. “In the (fourth) quarter they had a run but that’s just the way the game is and we should learn how to break that kind of run because it could happen (again) later on.”

Ang tinutukoy ni Uichico ay ang 21-3 ng Blackwater na naglapit sa Bossing sa 83-97, may 2:19 ang nalalabi.

Gayunman, siniguro ni Bolick na hindi magtatagal ang pagbabanta na ito nang makita niya si Ritchie Rodger para sa corner 3 upang pahupain ang pressure bago naispatan ni Henry si Robbie Herndon para sa isa pang tres na naglagay sa talaan sa 100-85 na tuluyang bumali sa likod ng Bossing, may 65 segundo na lamang ang nalalabi.

“It’s good we have Berto (Bolick) with us,” sabi ni Uichico. “He knows how to run the team, he knows what’s needed when things are not going well, and he will find a way to break the streak, either to score or to defend.”

Bagama’t masaya sa opening win, sinabi ni Bolick na hindi siya lubusang natutuwa dahil naramdaman niya na bumalik ang NLEX sa old bad habits nito.

“Ayan na naman kami, let down palagi. Dapat di kami mag-relax. Sayang ‘yung effort ng halos buong game,” sabi ng star playmaker.

Ang pagkatalo ay ikalawang sunod ng Blackwater makaraang yumuko sa Rain or Shine, 97-110, sa kanilang season opener noong Martes.

Nagtala si Christian David ng 17 points at 10 rebounds upang pangunahan ang Bossing. CLYDE MARIANO

Iskor:
NLEX (104) – Henry 31, Bolick 24, Herndon 12, Rodger 10, Semerad 8, Valdez 6, Policarpio 5, Fajardo 5, Amer 3, Nieto 0, Pascual 0.

BLACKWATER (87) – David 17, Rosario 17, Barefield 16, Tungcab 6, Kwekuteye 6, Ledo 6, Chua 5, Ponferrada 4, Hill 4, Montalbo 2, Casio 2, Guinto 2, Suerte 0.
QUARTERS: 23-22, 51-37, 84-62, 104-87