SA TAONG 2020 inaasahang matatapos na ang Phase 2 ng pagsasaayos at pagpapalapad ng kalsada sa isla ng Boracay.
Kinumpirma ito ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa muling pagbisita at pagsagawa ng ocular inspec-tion sa patapos nang proyekto sa Phase I.
Nasa P300 milyon ang pondo para sa naturang proyekto na nagsimula sa Elizalde Compound hanggang sa Tambisaan Port.
Ayon sa kalihim, naging malaking hamon sa kanila ang pakikipag-usap sa mga establisimiyentong apektado ng road rehabilitation, subalit napapa-yag din ang mga ito para sa mas mabilis na trabaho sa isla.
Matatandaang binigyan ng ultimatum ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) ang ilang establisimiyentong lumabag sa 6 meters na road easement mula sa gitna ng kalsada at 25+5 meter easement rule sa baybayin.
Kapag hindi umano nag-self demolish ang mga ito, sila ang titibag.
Tinatayang nasa P490 milyon ang itinakdang pondo ng DPWH sa Phase I na ginamit sa pagsasaayos ng kalsada mula sa Cagban Port hanggang sa Bolabog Boulevard.
Pinag-aaralan pa ng DPWH ang pagpapatayo ng tulay sa isla.
Sinabi ni Villar na hindi pa nila natalakay ang proposal ng isang kompanya na balak magpatayo ng tulay na magdudugtong sa Boracay at Caticlan sa bayan ng Malay, Aklan na nagkakahalaga ng tinatayang P3 bilyon.
Iginiit ng kalihim na prayoridad ngayon ng kagawaran ang pagpapalapad at pagsasaayos ng kalsada. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.