ROADSIDE BOMBING NASILAT

SULU-NAPIGILAN ng mga tauhan ng Joint Task Force Sulu ang tangkang pagpapasabog ng itinanim na roadside bomb sa Daan Putih, Brgy Anuling, Patikul ng lalawigang ito kamakalawa .

Ayon kay 35th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Domingo S. Robles Jr., nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente ng nasabing barangay kaugnay sa improvised explosive device (IED) na natagpuan sa tabi ng kalsada.

Dahil dito, mabilis na kumilos ang mga tauhan ng Philippine Army para beripikahin ang ulat.
Ani Robes, katuwang ang Metro Jolo Inter-Agency Task Group, K9 Team at 37EOD Team na pawang nasa ilalim ng Joint Task Force Sulu ay nagsagawa sila ng clearing/paneling operation Daan Putih, Brgy Anuling, Patikul, Sulu.

Nang madiskubre ang bomba ay matagumpay din agad na na-defuse ang IED pasado ala-1 kamakalawa ng hapon.

Narekober ng mga tropa ang 3 electric blasting caps, 6 na metrong speaker wire, 1 metrong detonating cord, isang gallon ng ANFO , 12 volts motorcycle battery, 128 piraso ng 4-inch na pako at 37 pirasong ng 2-inch 10mm steel bars.

Sinabi ni 1102nd Infantry Brigade Commander Col. Giovanni Franza, ang IED ay sadyang nilagay sa tabing-daan para pagsabugan ang mga dumadaang mga sundalo at sibilyan.

Pinuri naman ni Joint Task Force – Sulu at 11th Infantry Division Commander BGen. Ignatius Patrimonio ang mga tropa sa mabilis na aksiyon kasabay ng pagtiyak na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga responsable sa tangkang terrorist attack. VERLIN RUIZ