ROAST CHICKEN WITH FRUITS AND VEGGIES

ROAST CHICKEN

Ang pagkain minsan ay nahuhusgahan sa amoy pa lang nito. Dito pa lamang ay masusuri mo na kung anong lasa at anong sangkap ang nakapaloob sa pagkaing nasa harapan. Maging sa hitsura nito ay makapagdedesisyon na tayo kung ito ba ay katakam-takam, o kinapos sa lasa at sarap.

Sa pagpasok pa lamang natin sa isang kainan ay kaagad nating naaamoy ang bagong lutong manok. Kadalasan natatakam tayo sa amoy pa lamang nito at nahihikayat na bilhin ang kanilang produkto.

Ngunit, sino naman ang may sabing sa restaurant ka lang makatitikim ng mga katakam-takam at panukso sa pang-amoy na manok. Kahit na nasa bahay ka lang, maaari mong mahumaling ang iyong pamilya sa amoy pa lang ng iluluto mo. Isa ang manok sa sabihin na nating hindi nawawala sa mga kusina lalo na kung may anak ka. Hilig na hilig kasi ng bata ang manok. Napakarami ring luto nito at madadali lamang din.

Bukod sa mga simpleng paghahanda o pag­luluto ng manok, isang recipe ang nais naming ihandog sa inyo. Hindi lamang kayo ang matatakam kundi ang mga taong paghahandaan ninyo. Hindi lamang sa amoy kundi maging sa paglalagay ng prutas at gulay sa pagkaing ito.

Bilang panimula, ang mga kakailanganin na­ting ihanda sa pagluluto ng Roast Chicken with Fruits and Veggies ay ang isang buong manok. Pero puwede rin namang gamitin ang breast o ang nahiwa nang manok. Depende sa iyo o sa magugustuhan ng pamilya mo. At depende rin kung ano ang mayroon kayo sa inyong kusina.

Siguraduhing malinis nang mabuti ang manok. Kapag naihanda na ang manok, susunod naman natingROAST CHICKEN kakaila­nganing sangkap ay ang lemon grass o tanglad na ilalagay natin sa loob ng manok para bumango at mawala ang lansa. Ito ay kung buong manok ang gagamitin. Kung hiwa-hiwang manok naman ang gagamitin, hindi na ito kailangang lagyan ng tanglad.

Para naman sa pampalasa, kakailanganin natin ng toyo, barbecue sauce para magkaroon ng ibang tamis, oyster sauce at hot sauce para may kaunting anghang ang lulutuing recipe. Murang sibuyas o spring onion, hatiin ninyo ito sa maliliit na pahabang parte.

Gagawan natin ng kaunting twist ang pagkaing inihanda namin sa inyo. Maghanda kayo ng mga paborito ninyong prutas tulad ng ubas, mansanas o kaya orange. Maaaring mamili kayo ng isang prutas lang o puwede rin namang lahat ng klase ang gamitin ninyo. Maaari rin naman ang patatas at carrots.

Kapag nakahanda na ang lahat ng kakailanganin, simulan na natin ang pagluluto.

Pagsama-samahin sa isang mangkok ang toyo, barbecue sauce, oyster sauce at hot sauce. Haluin itong mabuti. Ipahid ang ginawang sauce sa buong manok, siguraduhin lamang na lahat ng parte ay malalagyan pati ang loob. Pansamantalang ibabad ang manok sa natirang sauce sa loob ng sampung minuto. Bali-baliktarin lamang para pantay na malagyan ang lahat ng parte.

Good luck sa pagluluto, mga Mommy!

Matapos ninyo itong maibabad, ilagay na nin­yo ang lemon grass o tanglad sa loob ng manok. Painitin ang oven ng 400 degrees at kapag mainit na saka ninyo ilagay ang buong manok. Maaari n’yo na ring isabay ang patatas sa pagluluto.

Habang hinihintay ninyong maluto ang manok, ihanda ninyo ang paglalagyan nito at ang mga prutas at gulay. Hatiin sa maninipis na parte ang mansanas at orange o anumang gulay at prutas na paborito ng pamilya. Sa paglalagyang pinggan, maaari na ninyong iayos ang mga prutas paikot sa paglalagyan ng manok. Kapag luto na ang manok, ilagay na ito sa gitna at sa isang banda ay doon niyo naman ilagay ang baked potatoes. Kunin ang murang sibuyas o spring onion at ibudbod sa ibabaw ng manok. Maaari n’yo nang ihanda ang Roast Chicken with Fruits and Veggies sa inyong hapag kainan.

Mayroon tayong iba’t ibang panlasa at paboritong pagkain kaya naman mahilig tayong tumuklas ng mga bagong sangkap at lasa. Maganda rin ang pagkain ng prutas at gulay sa katawan kaya mas kagigiliwan ito ng inyong pamilya. CHEN SARIGUMBA-JUSAY

Comments are closed.