(Robes naalarma sa maliit na budget) P50-B PARA SA PABAHAY ISINULONG

MATAPOS ma-alarma sa mababang budget na inilaan sa pabahay, isinulong ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” P. Robes ang pagpasa ng panukalang paglalaan ng P50 bilyon na makakalutas sa lumalalang kakulangan sa proyektong pabahay sa buong bansa.

Sa kanyang pagsasalita sa Habitat for Humanity Philippines Housing Summit kamakailan, sinabi ni Robes na isusulong niya ang agarang pag-aproba sa pinagsamang panukalang batas na magkakaloob sa pagpapaunlad, produksiyon at paglalaan ng pondo sa proyektong pabahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng P50 bilyon budget kada taon para sa konstruksiyon ng pabahay sa buong bansa.

Sinabi pa ni Robes, Vice Chairperson ng House Committee on Housing and Urban Development na nasa proseso na ang komite ng pagsasa-pinal ng pinagsamang panukalang batas na lilikha ng P50 bilyon na taunang pondo na kilala bilang National Housing Development and Production Fund. Ang pondo aniyang ito ay para lamang sa pagtugon sa halaga ng pagtatayo ng pabahay na ipatutupad sa loob ng 20-taon sa oras na maging epektibo na ang batas.

“The consolidated bill will allot P50 billion as initial seed money for the financing of public housing, resettlement program, government employees housing, subsidy for informal settlers, amortization support, housing program for calamity victims, among others. It’s already in the final stages before the committee approves the final version of the proposed measure and we will work to have it approved before the current session adjourns,” pahayag pa ni Robes.

Naging bunsod ng naturang panukala ang ginawang pag-aproba ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa House Resolution 1677 na nagdeklara ng krisis sa pabahay sanhi ng inilabas na ulat ng pamahalaan na nangangailangan ng kabuuang 6,796,910 unit ng pabahay sa buong bansa

Giit pa ni Robes, kung walang wastong panghihimasok na gagawin para malutas ang problema sa pabahay, lolobo pa sa bilang na 22 milyong units ang kakulangan pagsapit ng taong 2040 dahil aabot lamang sa .74 porsiyento ang kabuuang inilalaang budget para tugunan ang kakulangan nito.

Idinugtong pa ni Robes na dahil sa maliit na budget na inilalaan dito, hindi na nakapagtataka kung ang pamahalaan at pribadong sektor ay nakapagtayo lamang ng 777,879 housing units mula Hulyo, 2016 hanggang Hunyo ng taong 2020.

“With such budget, it is estimated that the government can only build around 2,000 out of some 1.8 million homes it plans to build for informal settlers by 2022. This was confirmed by National Housing Authority (NHA) chief Marcelino Escalada Jr. himself in a recent budget hearing. This is very alarming indeed and Congress should step in to reverse this to ensure that every Filipino family, especially the underprivileged, will have a decent house they can call their home,” saad pa ni Robes.