ROBIN PADILLA, HERBERT BAUTISTA AT 5 PA SINIBAK SA PHILIPPINE ARMY

KABILANG ang mga actor na sina Capt. Robin Padilla at BGen. Herbert Bautista sa may pitong ranking Philippine Army ready-reserve officers na sinibak sa kanilang mga hinahawakang posiyon nang magpasyang pumalaot sa larangan ng pulitika ngayong darating na May 2022 elections.

Layon nito, ani Army Public Affair chief Col Xerxes Trinidad na masiguro na ang organisasyon ay non-partisanship.

Sa report ng Philippine Army’s Reserve Command (ARESCOM), kusang nagbitiw si Padilla bilang pinuno ng Army’s Multi-Sectoral Advisory Board – Strategic Communications Committee (STRATCOMM-MSAB); communications panel nang nagpasaya itong kumandidato bilang senador.

Kabilang sa mga reservists na inalis sa puwesto na naghahangad ng elective posts ay sina Bautista na isa rin senatorial aspirant; Col. Isidro Ungab, reelectionist at dating Davao City’s 3rd District Representative; Lt. Col. John Tracy Cagas na tatakbo sa pagkakongresita sa Davao del Sur’s lone congressional district; Lt. Col. Eugene Balitang, naghahangad na maging kinatawan ng lone district of Ifugao; Lt. Col. Jayvee Tyron Uy na sasali sa Davao de Oro vice gubernatorial race; at Lt. Col. Rhodora Cadiao na reelectionist bilang Antique governor.

Magugunitang mismong si Armed Forces of the Philippines at concurrent Army commander Lt. Gen. Andres Centino ang mariing nagpahayag na dapat na mapanatili ang military’s non-partisanship, kasabay ng utos sa lahat ng unit commanders at mga tauhan na iwasan na makisawsaw sa partisan politics, maintain professionalism at umiwas sa pagpapaskil ng anumang larawan o bidyo na maaring magpahaga ng anumang political gestures.

“We assure the public that as a professional organization, the military will be non-partisan. We will perform our mandate of ensuring fair elections,” ani Centino.

Nilinaw naman ni Trinidad na kahit sinibak sa puwesto ang mga ranking Army reserved officers ay mananatili pa rin silang mga kasapi ng Army reserved Command.

“The Omnibus Election Code bars soldiers and law enforcement agencies from engaging in any partisan political activity, including campaigning for any candidate,” ani Trinidad.

Si Ungab ay dating brigade commander ng 2002nd Ready Reserve Infantry Brigade sa Davao City; Cagas ay former battalion commander ng 1101st Ready Reserve Infantry Battalion (RRIBn) sa Davao del Sur;

Balitang ay dating battalion commander ng 1404th Ready Reserve Infantry Battalion sa Ifugao; si Bautista ay dating brigade commander ng 1502nd RRIBde sa National Capital Region; habang si Uy ay dating battalion commander ng 1103rd Ready Reserve Infantry Battalion sa Davao de Oro. Si Cadiao naman ay bumaba bilang commanding officer ng 602RRIBn. VERLIN RUIZ