ISINILANG na ni Mariel Rodriquez ang second baby girl nila ni Robin Padilla sa Tate. Si Robin mismo ang nagbalita sa pamamagitan ng kanyang Instagram account kamakailan.
Ayon kay Robin, natupad daw ni Mariel ang pangarap nito na magsilang ng sanggol via natural delivery.
“In the name of the Father. A father is neither an anchor to hold us back nor a sail to take us there but a guiding light whose love shows us the way.
“Today, Maria Gabriela de Padilla was born. God is great! My wife had her dream fulfilled again. Gabriela was delivered by natural birth. Praise God, everything was very smooth with her family in the US. Especially her dad who watched over her,” caption ni Robin sa larawan ni Mariel.
Matatandaan sa US din ipinanganak ni Mariel ang panganay nila ni Robin na si Isabella at sa ikalawang pagkakataon nga ay sa Tate rin nga ito nanganak na hindi nadamayan ulit ni Robin dahil pinagkaitan na naman ng US Visa ang actor.
Walang magawa si Robin kahit na marami na rin ang tumulong sa kanya para makakuha o mabigyan ng US visa. Pinagkaitan pa rin siyang mabigyan ng visa.
Marami tuloy ang nagtatanong, bakit hanggang ngayon daw ay ayaw bigyan o pagkalooban ng US Visa si Robin Padilla?
JANNO GIBBS AT MANILYN REYNES TANDEM SUSUGALAN
MALAKING sugal nga ang pagsasama muli sa big screen ng dating magka-loveteam na sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes.
Tinawag nga sa kanila ngayon ng kanilang fans ay Jannolyn. Sumikat ang loveteam nina Janno at Manilyn noong `80s kung saan lahat halos ng kanilang pelikulang ginawa ay tumabo sa takilya.
Bentang-benta nga sa kanilang followers ang duet nila sa That`s Entertainment.
Nagtambal sila uli sa TV sa pamamagitan ng teleserye na Meant To Be at ngayon nga ay balik-tambalan sila sa big screen na Mang Jose.
That time ay marami nga ang nagsabi na silang dalawa ang magkakatuluyan dahil sobrang sweet at hindi na sila mapaghiwalay. Pero hindi nga nangyari dahil pinakasalan ni Janno si Bing Loyzaga at si Manilyn naman ay ikinasal kay Aljon Jimenez.
Sana mag-klik ang balik tambalan at mag-klik din ang movie nilang ginagawa.
TAGALOG MOVIE MUKHANG LALANGAWIN
KAHIT na anong gimik pa ang gawin para maging successful ang Tagalog movie na nakatakdang ilabas sa mga sinehan ay isa lang ang sigurado, hindi ito magiging successful dahil mangilan-ngilan lang ang magtatangkang panoorin ito sa mga sinehan.
Ang tao ngayon ay nakasentro ang pag-iisip sa darating na Kapaskuhan at hindi muna gagastos ng walang katuturan.
Kung manood man siguro ang mga kababayan natin sa mga sinehan ay sisiguruhin nila na worth it ang kanilang panonoorin at hindi ‘yung hubaran lang ang tema ng pelikula para makapang-akit ng mga moviegoers.
Sad to say na hindi gaanong papatok sa takilya ang mga pelikulang nakatakdang ilabas ngayon at sa mga susunod na araw.
Asahan na lang ang pagbawi sa takilya ng tagalog movie sa darating na Metro Manila Film Festival.