ROCCO NACINO AT GF MAGKASUNDO KAHIT MAGKAIBA ANG MUNDO

BAGAMA’T napag-uusapan na ng Kapuso actor na si Rocco Nacino at ng non-The pointshowbiz girlfriend niyang si Melissa Gohing ang mga plano nila sa hinaharap, hindi pa raw kasama rito ang tungkol sa pagpapakasal.

Aniya, marami pa raw siyang priorities tulad ng kanyang pinagagawang bahay at pati na sa kanyang karera. Ayaw raw nilang magpa-pressure sa kanilang relasyon lalo pa’t naniniwala silang ang lahat ng bagay tulad ng pag-aasawa ay pinaghahandaan.

Gayunpaman, maganda raw ang kanilang relasyon kahit pa magkaiba ang kanilang mundong ginagalawan.

Si Melissa ay isang professional volleyball player na naglalaro para sa Creamline Cool Smashers.

Speaking of his career, sobrang busy ni Rocco dahil kare-renew lang niya ng kanyang kontrata sa GMA.

May bagong teleserye siyang “Descendants of the Sun”, may health advocacy show siyang  “Healthy Juan” at may MMFF entry siya na “Write About Love” na kalahok sa 2019 Metro Manila Film Festival.

Sa “Write About Love”, ginagampanan niya ang role ng isang batikang indie screenwriter na nagkaroon ng engkuwentro sa isang bagitang romcom writer.

Sobra raw siyang nag-enjoy sa pakiki­pagtrabaho sa kanyang leading lady na si Miles Ocampo.

Katunayan, bilib daw siya rito dahil  gusto rin nitong karerin ang pagi­ging screenwriter.

Si Miles, kasama ang iba pang celebrities tulad nina Bea Alonzo, Bela Padilla, Cherie Gil, Agot Isidro, Meryll Soriano, Xian Lim, Kiko Estrada ay ilan lamang sa mga produkto ng screenwriting workshops ng master screenwriter at Plaridel awardee na si Ricky Lee.

Gayunpaman, dahil sa sobrang abala sa kanyang soap at pelikula at TV show, hindi pa raw pumapasok sa isip niya na sumunod sa yapak ng mga ito.

“Sa ganda ng mga ginagawa kong mga proyekto, mas gusto ko munang gampanan iyong mga ibinibigay na proyekto sa akin,” bu­ngad ni Rocco.

Sey pa niya, naki­ni-kinita rin niya na malamang ay kakaila­nganin din niya ang mag-workshop sa screenwriting para lumawak ang kanyang sining lalo na sa pagbuo ng character sketches ng kanyang mga roles.

“Marami rin namang workshops ang GMA. Talagang darating ka naman sa career mo na nagve-venture ka sa ganoon. Pero ako for now, wala pa akong plano, kasi nag-e-enjoy pa ako sa mga ginagampanan kong roles,” hirit niya.

Open din daw siya sa ideya na magdirek sa darating na panahon kung sakaling hindi na siya ganoon kaaktibo sa pag-arte.

“Nandoon na iyon. Why not? Mahirap iyan. Kailangan talagang pag-aralan. Minsan nararamdaman ko na kaya kong idirek iyan. May sariling thoughts din ako sa mga eksena pero may director naman ako, so, ipinauubaya ko na sa kanila,” paliwanag niya.

Comments are closed.