PANSAMANTALANG magiging rakista ang mga tauhan ng Pasay City police sa kanilang inihandang “Rock for Charity” concert sa darating na Disyembre 9 na magbibigay ng kasiyahan para sa mga walang kakayanan sa buhay na residente ng lungsod.
Ito ang napag-alaman kay Pasay City police chief Col. Byron Tabernilla na nagsabing ang “Rock for Charity” concert ay buong pusong sinuportahan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na nakatandang ganapin sa Cuneta Astrodome.
Sinabi ni Tabernilla na pangungunahan ng sikat na rapper na si Gloc-9 ang mapapanood na rock concert kabilang ang metal/rap bands na Greyhoundz, Chocolate Factory, Mayonnaise, at Lockdown band.
Ayon kay Tabernilla, ang benefit concert ay inorganisa ng Numinous and Asintada artists sa pakikipagtulungan ng City Advisory Group for Police Transformation and Development of Pasay City.
Napag-alaman din kay Tabernilla na ang kikitain ng naturang rock concert ay gagamitin sa kanilang isasagawang outreach program sa darating na Pasko.
Kasabay nito, plano rin ng lokal na pulisya na magsagawa rin ng gift-giving activities para sa mga kababaihan at kabataan na nga naging biktima ng pang-aabuso.
Dagdag pa ni Tabernilla na kanilang napili ang Development Center and Youth Homes, Home for the Elders, mga indibidwal na nasa kanilang kustodiya gayundin ang mga underprivileged na residente sa lungsod ang kanilang itinuturing na mga benepisyaryo. MARIVIC FERNANDEZ