ROCKEFELLER, ANG ALAMAT

SOBRANG yaman ni John D. Rockefeller! Kahit si Bill Gates, hindi pwedeng ihanay sa kanya. Puno ang buhay niya ng inspirasyon at pakikipagsapalarang akala mo ay sa sine lamang matatagpuan. Isang mahirap na yumaman.

Noong kasagsagan ng kanyang career, siya ang pinakamayamang American. Naging pilantropo rin siya. Sa sobrang dami ng kanyang pera, naging mapagbigay siya sa mga nangangaila­ngan. Marahil, dahil nakaranas din siyang maging mahirap noong kanyang kabataan.

Isinilang si John Davison Rockefeller Sr. sa Richford, New York, noong 1839. Mahirap lang sila at marami pang magkakapatid. Pinalaki siya ng kanyang ina dahil laging nasa trabaho ang kanyang ama. Gustong tumulong ni Rockefeller kaya nagtrabaho siya kahit bata pa.

Nag-aral si John sa Owego Academy sa Moravia, New York. Lumipat ang mga Rockefellers sa Strongsville, Ohio at lumipat din siya ng pag-aaral sa Central High School sa Cleveland. Unang professional skill na natutuhan ni Rockefeller ay bookkeeping dahil nakatapos siya ng short-term business course sa Folsom’s Commercial College. Nagtrabaho rin siya sa school canteen sa edad na 14.

Nagsimula ang totoong career niya noong siya ay 15. Gamit ang kanyang vocational skill sa bookkeeping, naging assistant bookkeeper siya sa isang firm na Hewitt & Tuttle. Sa puntong ito, nagsimula na ang kanyang charity work, kahit kung tutuusin, walang wala pa rin siya. Kumikita siya noon ng 50 cents at ang bahagi nito ay ibinibigay niya sa nanga­ngailangan.

Hindi man glamoroso ang bahaging ito ng kanyang buhay ngunit napakahalaga nito. Natuto siyang makipagnegosasyon sa shipping costs at intindihin ang mga gastusin sa likod ng transportas­yon. Nang ina­akala ni John na sapat na ang kanyang kaalaman, nagbukas siya ng maliit na produce business kapartner si Maurice B. Clark. Namuhunan sila ng $4000 na sa ngayon ay singhalaga ng $113,822.

Gusto nilang mapalaki ang kanilang negosyo kaya naki­pagsosyo sila sa magkapatid na Clark at kay Samuel Andrews upang itayo ang oil refinery sa Cleveland, Ohio. Noong 1858, tumaas ang demand ng refined oil at kerosene sa merkado, at nakita ni Rockefeller ang gol­den opportunity para maging matagumpay na negosyante.

Dito nagsimula ang makulay na pag-akyat ni Rockefel­ler sa pagyaman at katanyagan. Sumama na rin sa kanilang negosyo ang kanyang kapatid na si William Jr. sa tinatawag ngayong ‘Rockefeller and Andrews’, nang itatag ang nasabing refinery noong 1866.

Noong 1867, ito ang naging pinakamalaking oil refinery sa buong mundo, na naging pundasyon naman sa pagtatayo ng Standard Oil Company. Nang matugunan nila ang supply-demand rates sa mercado na mag-refine ng langis, nagdesisyon si Rockefeller na buwagin ang kanyang partnership sa Andrews & Flagler at sa halip ay nagbukas siya ng sariling kumpanyang pinangalanan niyang Standard Oil of Ohio. Sa puntong ito, ang pinakamalaki niyang kakumpitensya ay ang Charles Pratt and Company, isa pang refiner sa New York. Nakipag-deal si Rockefeller sa kumpanyang ito at di naglaon, nabili niya ito, kaya naging business partners niya sina Charles Pratt at Henry H. Rogers.

Di nag­laoon, nagkaroon siya ng monopoliya sa US, at na­ging milyunaryo si Rockefeller. Gayunman, naging kumplikado ang negosyo nang kinailangan mag-ope­rate sa ibang estado, kaya naisipan ni Rockefel­ler na ilagay ang responsibilidad sa hiwalay na mga kumpanyana sumailalim sa kanyang kumpanya ngunit nakabase sa iba’t ibang estado. Binuo niya ang umbrella corporation para magmaneho sa mga maliliit na  corporations, at tinawag itong Standard Oil Trust, na nagma-manage sa 41 kumpanya na pinatatakbo ng siyam ba trustees. Sa pagpapasa ng Sherman Antitrust Act noong 1890, napilitan silang paghiwa-hiwalayin ang mga maliliit na kumpanya sa napakaraming estado.

Nahati ang mother company sa 34 na maliliit na kumpanya, ngunit kay Rockefeller pa rin ang 25% ng stocks ng Standard Oil. Sa totoo lang, mas nakabuti pa ito kay Roc­kefeller na mayroon na noong $900 million. Sa kanyang pamumuno, ang Standard Oil ay nagkaroon ng 20,000 domestic wells, 4,000 milya ng pipeline, at 100,000 em­pleyado.

Ang tanong ng lahat – ano ang nangyari sa naiwang kayamanan ni Rockefeller? Ang sagot? Ipinamahagi ito sa ga napili niyang charities. Matindi ang kanyang paniniwala sa Diyos at isinasapuso at isinasagawa rin iya ito. Siya rin ang founder ng University of Chicago at Rockefeller University.

Halos kalahati ng kanyang yaman ay napunta sa charitable organizations, at ang kalahati naman ay inilagay sa trust funds na susuporta sa mga susunod na henerasyon ng Rockefeller. Siniguro ni John na mapupunta ang kanyang pinaghirapan sa mga nanga­ngailangan at sa kanyang nag-iisang anak na si Junior, na agad niyang binigyan ng $460 million noong 1917 – katumbas ngayon ng $9.3 billion.

Ilang taon bago siya namatay, inilagay ni John Rockefeller, Jr. ang $1.4 billion sa anim na trusts funds para sa kanyang sariling mga anak na mga apo naman ni Rockefeller Sr. Ikinatuwa ito ni Rockefeller Sr. dahil alam niyang magiging maayos ang buhay ng kanyang mga apo kahit wala na siya.

Hanggang sa kasalukuyan, itinuturing na isang alamat at idolo si John D. Rockefeller, dahil ang lahat ng kanyang kinita ay pinakinabangan ng napakaraming tao.

Namatay si Rockefeller dalawang buwan bago ang kanyang ika-98 taong kaarawan dahil sa arteriosclerosis. Matapos maipamahagi ang kanyang kayamanan, may natira pa ring $340 billion na nakuha naman ng kanyang anak.  JAYZL VILLAFANIA NEBRE