NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa embahada ng China sa Pilipinas hinggil sa hinihinalang rocket debris na may mga Chinese marking na bumagsak sa dagat malapit sa Bataan.
Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela na ang mga debris ay kahawig ng isang bahagi ng isang Chinese automated cargo spacecraft.
Sinasabing natagpuan ang mga labi nitong Lunes sa baybayin ng Sitio Samuyao sa bayan ng Morong.
Ito ay halos kamukha ng tuktok na seksyon ng Tianzhou, isang Chinese automated cargo spacecraft.
Sa impormasyong ibinahagi ng coast guard , isang mangingisda sa Morong, Bataan ang nakarekober ng mga metal debris na may markang Chinese sa paligid ng tubig sa kanilang coastal municipality.
Kasalukuyan itong nasa kustodiya na ng PCG station sa Limay, Bataan.
Kung matatandaan, naglunsad ang China ng Long March 7 rocket na lulan ng Tianzhou-4 spacecraft mula sa Wenchang Space Launch Center sa Hainan province noong Mayo.
“Kung makikita niyo doon sa larawan, may marking siya na Chinese characters,” ani PCG Spokesperson Armand Balilo.
“Mayroon na tayong coordination sa Chinese Embassy. Naipagbigay alam na natin ‘yan sa kanilang embahada at mayroon din tayong close coordination sa National Space Administration ng Pilipinas,” dagdag pa nito.
Magugunitang , minsan nang naghain ng diplomatikong protesta ang Manila kasunod ng ginawa ng isang Chinese coast guard vessel na “puwersang” kunin ang mga debris mula sa Chinese rocket na nakuha naman ng isang
Philippine navy vessel sa Pag-asa (Thitu) Island noong Nobyembre.
Itinanggi ng China ang paggamit ng puwersa at sinabi ng embahada nito sa Maynila na ibinigay ang mga labi pagkatapos ng “friendly consultation” na salungat sa pahayag ng mga sundalo ng Philippine Navy.
VERLIN RUIZ