NAPANTAYAN ni Jalen Green ang kanyang career high na 42 points habang nagdagdag si rookie Amen Thompson ng career-high 25 points nang pataubin ng Houston Rockets ang host Washington Wizards, 137-114, nitong Martes.
Binuhat ni Green ang Rockets sa 101-82 kalamangan papasok sa fourth quarter makaraang kunin ng Wizards ang kanilang unang bentahe.
Tumapos si Green na may pitong 3-pointers at 10 rebounds at nakopo ng Rockets ang ika-6 na sunod na panalo habang hinila ang kanilang road winning streak sa lima, napantayan ang kanilang season total sa road victories bago ang kasalukuyang streak.
Kumalawit si Thompson ng 10 boards upang magposte ng double-double, tulad nina Green at teammate Jabari Smith Jr. (18 points, 14 rebounds). Umiskor si Jock Landale ng 10 points at nagtala ng career-high 7 blocks mula sa bench para sa Rockets, na bumuslo ng 51.6 percent at tumapos na 30 of 36 mula sa foul line.
Gumawa sina Corey Kispert, Justin Champagnie at Jules Bernard ng tig- 16 points para sa Wizards, na naglaro na wala ang apat na starters mula sa kanilang road loss sa Rockets noong nakaraang linggo. Nagdagdag si Jared Butler ng 15 points.
Magic 112,
Hornets 92
Naiposte ni Cole Anthony ang 19 sa kanyang 21 points sa first half at dinispatsa ng Orlando Magic ang bisitang Charlotte Hornets upang kunin ang isang puwesto sa play-in round ng NBA postseason.
Nagbuhos si Jalen Suggs ng 16 points, umiskor sina Moritz Wagner at Paolo Banchero ng tig-13 points at nagdagdag si Franz Wagner ng 11 points para sa Magic, na nanalo ng siyam sa kanilang huling 11 laro. Umabante ang Orlando ng hanggang 41 points sa first half.
Bumuslo ang Orlando ng 54.3 percent sa laro at nagwagi sa kabila na nasayang na 33 third-quarter points.
Nanguna para sa Hornets, na nahulog sa 2-8 ngayong buwan, sina Brandon Miller na may 21 points at Vasilije Micic na may 20 points. Nagdagdag si Miles Bridges ng 16 points at nakakolekta si Tre Mann ng 11 points para sa Charlotte, na nakagawa ng 17 turnovers.