NAUNGUSAN ng Houston Rockets ang Golden State, 91-90, para sa kanilang unang panalo laban sa Warriors magmula noong 2020 upang umabante sa semifinals ng NBA Cup noong Miyerkoles, habang umusad ang Atlanta Hawks kasunod ng come-from-behind victory kontra New York Knicks.
Umiskor si Alperen Sengun ng 26 points at humugot ng 11 rebounds upang pangunahan ang Rockets at nagdagdag si teammate Jalen Green ng 12 points, kabilang ang game-winning free-throws, may 3.5 segundo ang nalalabi.
Tinapos ng Houston ang 15-game losing streak sa Warriors mula pa noong February 2020.
Naisaayos ng Rockets ang NBA Cup last-four showdown laban sa Oklahoma City Thunder sa Las Vegas sa Sabado, kung saan makakaharap ng Hawks ang Milwaukee Bucks.
Humabol ang Atlanta, sa pangunguna ni New York nemesis Trae Young na may 22 points at 11 assists, mula sa 10-point third-quarter deficit upang gapiin ang Knicks, 108-100, sa Madison Square Garden.
Ang finals ng second edition ng in-season tournament ay gaganapin sa Las Vegas sa Martes.
“I’ve never seen my team so thirsty,” wika ni Sengun patungkol sa determinasyon ng Rockets na makapasok sa Vegas. “We got ready for this game so hard.”
Napuwersa ng Rockets si Stephen Curry at ang Warriors sa 14 first-half turnovers at umabante ng hanggang 14 points tungo sa 44-37 halftime lead.
Tumipa si Kuminga ng 20 points upang pangunahan ang Warriors, gumawa si Curry ng 19 subalit nagmintis sa isang three-pointer, may 11.1 segundo ang nalalabi.
Sa New York, dinomina ng Knicks ang first half subalit nabuhay si Young sa second upang pag-initin ang opensa ng Hawks.
Kumabig si Young ng 12 points at nagbigay ng 9 assists matapos ang break, pinangunahan ang balanced Hawks attack na pinangunahan ng 24 points mula kay reserve De’Andre Hunter.
“It’s a big game, especially for us,” sabi ni Young.
“We just try to play for each other and play til the end, and that’s what we did,” dagdag ni Young.
Nanguna si Josh Hart para sa Knicks na may 21 points. Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 19 points at 19 rebounds bago na-foul out sa final minutes, at nagdagdag si Mikal Bridges ng 19 para sa New York.