ROCKETS TUMABLA SA WARRIORS

Eric Gordon

NAGPAKAWALA si Eric Gordon ng 27 points mula sa bench at nagdagdag si P.J. Tucker ng postseason-career-high 22 points nang maitabla ng ­Rockets ang Western Conference finals sa pamamagitan ng 127-105  panalo laban sa bumibisitang Golden State Warriors sa Game 2 noong Miyerkoles.

Kumonekta si Gordon ng  6 of 9 3-point attempts at kumana si Tucker ng 5-of-6 shooting sa 3-point area.

Nag-ambag si Rockets guard James Harden ng 27 points at 10 rebounds. Hindi siya pinuwersang buhatin na  mag-isa ang koponan tulad ng ginawa niya sa series opener, nang magpasabog siya ng 41 points at 7 assists sa 13-point defeat.

Kumana si Kevin Durant ng game-high 38 points sa 13-of-22 shooting at nailapit ang Warriors sa pamamagitan ng 18 points sa third quarter.  Gayunman ay ginamit ng Houston ang offensive weapons nito at iwinaksi ang defensive mistakes na ikinatalo nila sa opener, nilimitahan ang Warriors sa 9-of-30 shooting mula sa 3-point range habang nagbigay lamang ng pitong puntos sa transisyon.

Sa kabila ng matikas na pakikihamok ng Warriors ay nagawang makalayo ng Rockets hanggang sa kalagitnaan ng fourth quarter.

Natapyas ng Golden State ang 19-point deficit sa 11 sa pamamagitan ng  13-5 run na nagtulay sa huling dalawang yugto.  Gayunman, makaraang magmintis si Andre Iguodala sa isang free throw  na nagpababa sana sa kalamangan sa 10, may 8:12 ang nala­labi, sumagot ang Houston ng 11-0 burst na kinabilangan ng 3-pointers mula kina Gordon, Harden at Tucker. Sa 111-89, sa wakas ay naitala ng Rockets ang komportableng kalamangan.

Nagdagdag si Stephen Curry ng 16 points, 7 rebounds at 7 assists para sa  Warriors subalit nagmintis ng pito sa 8 tira mula sa ilalim. Umiskor lamang si Klay Thompson ng walong puntos makaraang tumirada ng 28 sa series opener.

Tumipa si Trevor Ariza ng 19 points at 6 assists para sa Houston, at gumawa si Chris Paul ng 16 points.

Tumapos ang Rockets sa 16 of 42 (38.1 percent) mula sa 3-point range habang ang Warriors ay 9 of 30 (30 percent).

Nakatakda ang Game 3 sa Linggo sa Oracle Arena sa Oakland, Calif.

Comments are closed.