ROCKETS, WARRIORS TABLA NA

rocket vs warriors

NAISALPAK ni Eric Gordon ang kanyang unang 3-pointer para bigyan ang Houston ng late five-point lead, at naging matatag ang Rockets matapos nito upang pataubin ang Golden State Warriors, 95-92, sa Oakland, California  noong Martes ng gabi at itabla ang Western Conference finals sa 2-2.

Nagbuhos sina James Harden ng 30 points at Chris Paul ng 27 para sa  Rockets, na nabawi ang home-court advantage sa best-of-seven series na magbabalik sa Houston para sa Game 5 sa Huwebes ng gabi.

Tumipa sina Stephen Curry ng 28 points at Kevin Durant ng 27 para sa  Warriors,  na naputol ang kanilang NBA-record, 16-game home playoff winning streak.

Ang panalo ay una ng Rockets sa road laban sa Golden State sa playoffs sa franchise history.

Sa pagpapalitan ng bentahe kung saan ang dalawang koponan ay kapwa lumamang ng double figures,  ang Rockets ay na­ging mas maganda ang pagtatapos makaraang maipasok ni Curry ang isang three-point play upang makalapit ang Warriors sa 91-89, may 3:18 sa orasan.

Matapos magpalitan sina Harden at Curry ng mintis na 3-pointers, naisalpak  ni Gordon, 0-for-6 sa 3-point area, ang isang 27-footer para sa limang puntos na kalamangan, may 2:25 sa orasan.

Nakadikit ang Warriors sa 94-92 at nasa kanilang possession ang bola sa mga huling segundo, subalit sumablay si Klay Thompson sa isang heavily pressured 16-footer.

Binigyan si Paul ng foul sa rebound, naipasok ang isa sa dalawang free throws, kalahating segundo ang nalalabi upang itarak ang tatlong puntos na kalamangan.

Naipasok ni Harden ang 11 sa kanyang 26 tira at naibuslo ni Paul ang 10 sa kanyang 20 para sa Rockets,  na nagwagi ng apat sa anim na road games sa postseason.

Tumapos si Gordon na may 14 points habang nag-ambag sina PJ Tucker ng 16 rebounds at Clint Capela ng 13 para sa  Houston.

Naipasok ni Durant ang si­yam lamang sa kanyang 24 shots habang si Curry ay may 10 sa kanyang 26 para sa Warriors, na 4-0 sa Steve Kerr era kapag angat sa 2-1 sa serye.

Nagtala si Draymond Green ng 11-point, 14-rebound double-double habang nag-ambag si Thompson ng 10 points para sa Warriors, na naglaro na wala si Andre Iguodala dahil sa pamamaga ng kaliwang tuhod.

Comments are closed.