ROLBAK SA EXCISE TAX

SA HALIP na patawan ng mas mababang taripa ang isda at karne para mapababa ang inflation, ipinanukala ni Senador Bam Aquino na tutukan na lamang ng pamahalaan ang suspensiyon at pag-rollback ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Natutuwa tayo na tanggap na ng administrasyon na napakalaking problema ang mataas na inflation at presyo ng bilihin. Su­balit sa planong bawasan ang taripa, baka ang ­ating mga magsasaka’t ­mangingisda ang tamaan dahil sa pagbaba ng ­presyo ng imported na karne at isda,” babala ni Aquino.

Aniya, dapat tulu­ngan na lamang ang mga magsasaka at mangingisda na mapababa ang cost of production para bumaba ang presyo ng kanilang produkto at lumaki ang kanilang kita.

Iginiit pa ng senador na hindi dapat mabigatan ang pamilyang Filipino sa paghahanap ng solusyon sa inflation, lalo na ang mga magsasaka at ­mangingisda na nahihirapang maki­pagsabayan sa imported na produkto.

“Gusto nating solusyunan at aksiyunan ang taas-presyo, pero gawin natin ito na walang nasasagasaang magsasaka’t ­mangingisda. Ipasa na sana ng Kongreso ang Bawas Presyo Bill,” diin ni Aquino.

Layon ng panukala na suspendihin at i-rollback ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang average inflation rate ay lumagpas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

Binigyang-diin ni Aquino na makatutulong ang pag-roll-back sa excise tax sa langis para mapababa ang presyo ng bilihin at serbisyo. VICKY CERVALES

Comments are closed.