ROLBAK SA PRESYO NG BIGAS

BIGAS

UMAASA ang National Food Authority (NFA) na bababa ang presyo ng commercial rice ng P3 kada kilo sa loob ng buwang ito dahil sa mga hakbang ng pamahalaan para madagdagan ang supply ng pangunahing butil sa lokal na pamilihan.

Sa sidelines ng National Price Coordinating Council (NPCC) meeting, sinabi ni NFA Spokesperson Rex Estoperez na ang commercial rice na nagkakahalaga ng P40 hanggang P42 kada kilo ay inaasahang magmumura sa P37 hanggang 39/kilo sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Estoperez, itinaas na ng NFA Council ang supply ng subsidized rice sa pamilihan sa 13 porsiyento noong Agosto mula sa naunang 7 porsiyento. Kalaunan ay itinaas pa ito sa 20 porsiyento.

Aniya, nangangahulugan ito na mula sa 76,000 bags ng NFA rice na mabibili sa merkado kada araw, ang supply ay tumaas sa 128,000 bags kada araw.

“That’s what we are expecting two weeks to one month from now. Prices [of rice] will slightly soften,” dagdag pa niya.

Bukod sa paglaki ng market participation ng NFA rice, ang bansa ay may imbak pa, aniya, at may parating pang mga im-port na susuportahan ng local production.  PNA