MATAPOS ang malakihang pagtataas noong nakaraang linggo, makaaasa ang mga motorista ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa industry source, base sa kanilang monitoring sa oil trading mula Setyembre 23 hanggang 24, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P1.07, habang ang diesel ay may tapyas na P0.35 kada litro.
Isa pang industry source ang nagsabing maaaring bumaba ang presyo ng gasolina ng P1.60 kada litro at diesel ng P0.75 kada litro.
Sa monitoring naman ng consumer advocacy group Laban Konsyumer Inc. ang average price ng Dubai crude ngayong linggo ay $62.262 per barrel laban sa $63.06 per barrel noong nakaraang linggo.
“We should expect a rollback based on these data,” wika ni Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.
Ang inaasahang paggalaw sa presyo ng petrolyo ay nagpakita sa Mean of Platts Singapore (MOPS). Ang local oil industry ay gumagamit ng MOPS, ang daily average ng lahat ng trading transactions sa pagitan ng buyer at ng seller ng mga produktong petrolyo tulad ng pagtaya at pagbuod ng Standard and Poor’s Platts.
Ang tinatayang price adjustment ay maaari pang magbago depende sa trading kahapon.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga kompanya ng langis ang price adjustment tuwing Lunes na ipinatutupad ng Martes.
Noong Martes ay nagpatupad sila ng P2.35 taas-presyo sa kada litro ng gasolina at P1.80 sa kada litro ng diesel kasunod ng mga pag-atake sa oil facilities ng Saudi Arabia.
Comments are closed.