ROLE NG SENADO SA PAGBASURA SA MGA TRATADO PINATUTUKOY SA SC

Sotto

LUSOT na sa Mataas na Kapulungan ang resolusyong inihain ni Senate President Vicente Tito Sotto III na humihikayat sa Korte Suprema na desisyunan kung kailangan pa ng concurrence ng Senado  sa isyu ng pagbasura sa mga tratadong pinasok ng Filipinas.

Bumoto sa naturang resolusyon ang 12 senators na sina Senate President Vicente Tito Sotto III, Senate President Protempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay, Richard Gordon, Francis Pangilinan at Lito Lapid.

Nag-abstain naman ang  pitong senador na sina Senators Cynthia Villar, Koko Pimentel III, Imee Marcos,  Christopher Bong Go, Ronald Dela Rosa, Ramon Bong Revilla Jr. at Francis Tolentino.

Hindi naman umabot sa botohan sina Senators Pia Cayetano at Manny Pacquiao.

Absent naman sina Senators Grace Poe at Win Gatchalian habang si  Senadora Leila De Lima ay hindi maaa­ring bumoto alinsunod sa rules ng Senado.

Matapos ang botohan nagpahayag naman ng pagkalungkot si Drilon dahil sa simpleng resolusyon lamang ay hindi na nagkakaisa ang senado na ipaglaban ang institusyon.

Agad naman itong sinagot  ni Dela Rosa na naglabas ng sama ng loob na bakit silang majority ay hindi nagkakasundo sa iisang boto.

Sinopla naman ni Lacson si Bato at nili­naw na ang kanilang boto ay hindi pagtutol sa desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbasura sa Visiting Forces Agreement  (VFA) kundi ang ipaglaban ang karapatan ng ins­titusyon bilang senador na sinigundahan naman ni Zubiri. VICKY CERVALES

Comments are closed.