HINDI kasama si murder convict Rolito Go sa listahan ng mga pinababalik-selda sa mga heinous crime convicts na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinalaya si Go dahil sa commutation of sentence at hindi lamang sa good conduct time allowance.
Ayon sa ulat, pinuntahan ng mga pulis si Go sa kanyang bahay dahil nakasama ang pangalan nito sa listahan ng mga convict na dapat ay su-murender alinsunod sa itinakdang 15-araw na deadline ni Pangulong Duterte na nagtapos na.
Hindi naaresto si Go dahil wala siya sa kanyang bahay.
Nilinaw ni Guevarra na hindi dapat arestuhin si Go dahil natapos niyang pagsilbihan ang kanyang sentensya.
Sa desisyon ng Korte Suprema, iniatas ang agarang pagpapalaya kay Go noong 2016 matapos na ibasura ang apela ng Bureau of Corrections sa pagbaligtad ng desisyon ng dalawang lower court na pumanig sa petisyon ng akusado sa habeas corpus.
Nasentensiyahan si Go ng 40 taon sa pagpatay kay De La Salle University student Eldon Maguan sa isang alitan sa trapiko noong 1991.
Comments are closed.