Inianunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) na naglabas na ng Certificate of Registration para sa gagamiting bakuna sa African Swine Fever (ASF) makaraan itong pumasa sa kanilang pagsusuri.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kasunod ng nasabing registration, agad din nilang sisimulan ang distribution sa nasabing bakuna, higit lalo sa mga apektadong lugar sa bansa.
Aabot sa 150,000 na bakuna ang agad nilang dadalhin sa mga tinawag na Red Areas ng ASF partikular sa mga lalawigan ng Batangas at Mindoro na sisimulan sa susunod na buwan.
Sang-ayon rito si AGAP Partylist Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, na Chairman ng Pork Producers Federations of the Philippines, Inc., upang agad makatulong sa agrikultura dahil bagama’t aniya na ang ASF ay hindi nagdudulot ng banta sa kalusugan ng tao, nakapipinsala naman ang epekto nito sa mga baboy, na may isang impeksiyon na kayang madamay ang isang buong kawan.
“Kami ay nagpapasalamat at alam ko na aabot sa 600,000 baboy ang pwedeng bakunahan nang libre na nagkakahalaga ng P350 million ang budget. Ibig sabihin naglalaro ito between P550 to P600 ang halaga kada dose,” pahayag ni Cong. Briones.
Bagama’t limitado parin aniya sa ngayon ang supply, libre namang ibibigay ng DA ang bakuna laban sa nasabing sakit.
Bahagi ng kabuuang 600,000 na bakuna na magmumula sa Vietnam ang 150,000 bakuna na unang ipamimigay ng Agriculture Department.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na naglaan ito ng P350 milyon para sa pagbili ng mga bakuna at sasailalim ito sa controlled rolled-out na pangangasiwaan ng Bureau of Animal Industry kabilang ang mga mula sa Vietnam.
PAUL ROLDAN